COTABATO CITY – Napatay sa engkuwentro ang isang pinaghihinalaang jihadist matapos matunugan ng awtoridad na magsasagawa ng pag-atake ang grupo nito sa mga nagpapatrulyang sundalo sa Buadipuso-Butong sa Lanao del Sur.
Bagamat bigong matukoy ang pagkakakilanlan ng hinihinalang terorista, kinumpirma naman ng militar na miyembro ito ng isang grupo na nagsusulong ng “jihad” o holy war sa lugar, at nagpapakalat din ng ideolohiya ng Islamic State o (IS) sa Middle East.
Ang IS ay pinamumunuan ng isang Abubakar Al-Bagdhadi at itinatag at nagkukuta sa Syria.
Subalit tinukoy ng mga sibilyan na ito ay ang local jihadist group na “Ghuraba”, na umano’y kaalyado ng Khaliffa Islamic Movement (KIM), na sumusuporta sa mga adbokasiya ng IS.
Kinilala naman ni Col. Roseller Murillo, commander ng 103rd Infantry Brigade ng Philippine Army, ang dalawang iba pang napatay na si Panundi Sulta at anak nitong si Noble Sulta.
Aniya, napatay ang tatlo matapos makipagbarilan sa mga sundalo na nagtangkang arestuhin ang isang “Maute”, na nagpaplano umanong magsagawa ng pananambang sa militar sa Barangay Gata, Buadipuso-Buntong.
“Pumalag ang kaanak ng mga biktima kaya napatay ang isa sa mga terorista, na may suot na headband na taglay ang simbolo ng IS,” pahayag ni Murillo.
“Nakasaad din sa Army report na nakaposisyon na ang mga terorista sa isasagawang pananambang at hinihintay na lang ang pagdating ng isang military vehicle,” dagdag ni Murillo. (ALI G. MACABALANG)