DIREK CATHY sa set ng 'Forevermore' copy

FINALLY, binasag na ni Direk Cathy Garcia-Molina ang pananahimik niya tungkol sa reklamo ng naging talent niya sa seryeng Forevermore.

 

Inilabas namin kamakailan ang open letter ng girlfriend ni Mr. Alvin Campomanes na si Ms. Rossellyn Domingo na isinapubliko nila sa pamamagitan ng Facebook hinggil sa kanilang reklamo ng pagmumura ni Direk Cathy na anila’y hindi katanggap-tanggap lalo’t iginagalang ang huli sa eskuwelahang pinagtuturuan nito.

Human-Interest

Higanting coral, naispatan; mas malaki pa raw sa blue whale?

Hiningi namin ang panig ni Direk Cathy habang sinusulat namin ang nasabing item pero nakiusap ang in-house director ng ABS-CBN at Star Cinema na hindi na muna siya magsasalita.

 

Pero nitong nakaraang Biyernes ay eksklusibong nakausap ni Boy Abunda si Direk Cathy at inamin niya na nagawa nga niyang magmura sa set ng Forevermore.

 

“Started opening my IG (Instagram), ang daming messages na pala,” bungad ni Direk Cathy, “meron na raw sa Twitter kasi trending ako, ‘tapos binuksan ko, wow, galit na galit sa akin ang mga tao. They’re calling me names, marami, bitch, satanas, marami, lahat ng pangalan… mal-edukada, hanggang sa pati mga anak ko nadadamay na, na sana raw murahin din sila paglaki nila, siguro raw mura ang minumumog ko everyday hanggang sa umabot sa asawa ko raw kaya pala namatay.”

 

Marami pa siyang ikinuwento sa mga bira sa kanya sa social media at dumating pa sa puntong sinabihan siya ng, “About riding in tandem, trenta mil lang daw katapat ko at tingnan natin kung hindi ka tablan ng bala.”

 

Ang katwiran ni Direk Cathy sa amin nang kontakin namin na hindi na lang siya magsasalita dahil matagal nang tapos ay hindi pala puwede dahil, “I felt the need to speak-up.”

 

Pag-amin niya, “When I found the letter, he was right, Tito Boy, I really cursed but not him.”

 

Hindi naman daw kasi nakalagay sa sulat ni Alvin kung bakit paulit-ulit ang eksena at kung bakit siya nakapagmura.

Ipinaliwanag ni Direk Cathy na hindi siya galit kay Alvin kaya niya minura kundi dahil sa sitwasyong hindi nito alam ang gagawin sa set, dahil nga ang alam ni Direk Cathy ay dumating ang talent niya bilang artista.

 

“I admit nagkamali po ako, I admit, nagmumura po ako, Tito Boy. I never lied, I never lied to anyone,” ng lady director.

 

Aniya, nagagawa niyang magmura para mapaganda ang show, mapaarte ang artista, makuha ang kailangan, “Pero hindi ko po ipinagtatanggol na tama ang ginawa kong pagmumura, mali ang magmura.

“Pero sana inilagay natin sa konteksto na that incident, I remembered I was afar, I was far from the set dahil alam naman natin ang La Presa (Trinidad, Benguet) ay malalaki ang shot. Ako po ay nakamikropono sa tent at hindi ko halos sila nakikita. Ano naman po ‘yun, SOP (standard operating procedure) na magbibigay ako ng directives, ng direction sa AD (assistant director) na siya na ang nagpapatakbo ng set.

 

“Maraming rehearsals, instructions na hindi nakuha, okay, hindi ulit nakuha, okay, kaya ‘yung sumunod, nagsalita na ako. To be exact ang sinabi ko, ‘Sino ba’ng kausap mo (Alvin) bakit hindi ka tumingin? Tingnan mo, ang kulit mo naman, eh! Paksyet ka!”

 

Inamin ni Direk Cathy na masama ang magmura, pero sa industriya raw ng showbiz ay kultura na ito.

“Hindi na siya mura to degrade or to humiliate or to insult anyone, ano na lang siya, bukambibig. Hindi ko ‘tinatama, kayang-kaya ko namang mag-apologize, Tito Boy, hindi pala niya (Alvin) alam ‘yung lenguwahe ng industriyang ito. Kung sinabi lang niya, kung nalaman ko lang right away, I would gone to him and sasabihin ko, ‘oh, sorry hindi ka pala sanay.’

 

“Dumating ka sa akin bilang aktor, in-expect ko na mag-deliver ka sa akin bilang aktor and regardless kung anong karakter, kung may napapagalitan man ako kasi hindi nagagawa nu’ng karakter ‘yung dapat ibigay sa eksena.”

 

Inabot daw ng isang taon ang reklamong ito ni Alvin dahil ang nakarating sa pdosuction ay inayos na ng talent supplier dahil ganito ang proseso, hindi directly hired ng ABS-CBN ang mga talent or extra.

 

“The talent coordinator will be the one to talk to the talent kasi siya po ang kumuha at sinabi nga na, ‘nakausap ko na po sila, si Mr. Alvin at Ms Rossellyn at okay na po, settled na po, no need to meet,” kuwento ni Direk Cathy.

 

Bukas si Direk Cathy na makaharap at makausap sina Alvin at Rossellyn anytime.

 

Diretso siyang tinanong ni Kuya Boy kung maliit ang tingin niya sa mga extra.

“Hindi po, dahil dumating ako sa industriyang ito, walang alam at maraming nagturo sa akin and I have my share.”

 

Ang ikinasasama ng loob, na tuluyan nang nagpaiyak kay Direk Cathy ay ang pagkakadamay ng mga anak, magulang at mga kapatid na labas naman sa problema.

 

“I am doing this for my family. Spare my family. Hindi sila kasali dito. Ang naka-offend kay Alvin at sa girlfriend niyang si Rossellyn, ako. Ako ang mag-a-apologize. And if I deserve criticisms, too, then let it just be me. Huwag ang mga anak ko, huwag ang magulang ko, huwag ang mga kapatid ko.

 

“Noong sinaktan ko siya o nasaktan ko man siya, wala akong ibang binanggit, ni wala sa pagkatao niya dahil wala akong alam sa pagkatao niya. Namura ko siya, nakapagmura ako dahil nagkamali siya bilang artista ko. Hanggang doon lang ‘yun. Ang natanggap ko, beyond what I deserve,” umiiyak na sabi ng direktor.

 

“I will own up to my mistake kasi nagkamali ako, nakapagmura ako sa mga hindi naman pala nakakaalam sa industriyang ito. But beyond that, wala na akong ihihingi ng sorry.”

 

Hangad din ng maraming industry insiders na matapos na ang isyung ito sa pagitan nina Direk Cathy, Rossellyn at Alvin. (REGGEE BONOAN)