Magkatulong na pinasan nina Hassan Whiteside at Chris Bosh ang injury-depleted na Miami Heat upang tustahin ang Denver Nuggets sa sarili nitong bahay, 98-95.
Nagbida para sa Heat si Chris Bosh na nagtala ng 24-puntos para sa kabuuang 9-of-13 field goal shooting habang nagtala naman si Whiteside ng triple-double 19 points, 17 rebounds, at 11 blocks.
Ito ang unang pagkakataon na hindi nakapaglaro ngayong season ang star player ng Heat na si Dwayne Wade dahil sa pamamaga ng kanyang mga balikat. Subalit hindi naman ito naging hadlang para pag-ibayuhin ng Heat ang paglalaro at makamit ang panalo kontra sa Nuggets.
Maliban kay Wade, wala rin ang reserbang sentro ng Heat na si Chris Andersen matapos magkapinsala sa kanyang tuhod noong Miyerkules sa laban nila kontra Los Angeles Clippers. Hindi rin naglaro si guard Goran Dragic at Josh McRoberts dahil sa kanya-kanyang injuries.
Maagang nagpakitang gilas ang home team Nuggets matapos magtayo ng double-digit, 31-20, na agwat sa unang yugto ng duwelo. Tila hindi pa nakuntento, pinalawig pa nila ang kalamangan ng hanggang 16 sa pagtatapos ng ikalawang kanto, 62-46.
Subalit mula sa ningas na sinimulan ni Whiteside at Bosh, na nagsanib-pwersa para sa 26 na puntos sa second half, nag-alab ang opensa ng Heat pagpasok ng ikatlong yugto at pumutok pa sa 30-16 quarter scoring upang maibaba ang kalamangan papasok ng huling 12 minuto.
Isang jumper ni Bosh may 55 segundo ang nalalabi ang nagbigay ng pagkakataong maitabla ng Heat ang laban. Sinubukan pang masulot ng Nuggets ang panalo ng muling tumabla, 95-all, subalit isang turn-around jumper at free throw ang magkasunod na itinarak ni Bosh para sa panalo ng Heat.
Mayroon ng 23-17 rekord ang Heat dahil sa nakuhang tagumpay at lalo namang nabaon ang Nuggets dala ang 15-25 marka.
Samantala sa iba pang laro, isang alley-oop dunk na isinalampak ni Anthony Davis mula sa pasa ni Jrue Holiday ang nagbigay ng makapigil-hiningang 109-107 panalo sa New Orleans Pelicans kontra sa Charlotte Hornets.
Umasinta rin ng season-high 32 puntos, na kinapapalooban ng anim na three-pointers, si Ryan Anderson para sa ikalawang sunod na panalo ng Pelicans.
Wagi rin ang Cleveland Cavaliers sa Houston Rockets, 91-77; Washington Wizards sa Indiana Pacers, 118-104; Oklahoma City Thunder sa Minnesota Timberwolves, 113-93; Boston Celtics sa Phoenix Suns, 117-103; Portland Trail Blazers sa Brooklyn Nets, 116-104; Dallas Mavericks sa Chicago Bulls, 83-77; at Milwaukee Bucks sa Atlanta Hawks, 108-101.
(MARTIN A. SADONGDONG)