Ginulat ng College of St. Benilde (CSB) ang dating women’s champion Arellano University nang pataksikin nito ang huli sa loob ng straight sets, 25-20, 25-22, 25-23, sa kanilang stepladder semifinals match upang maitakda ang pagtatapat nila ng San Sebastian College sa kampeonato ng NCAA Season 91 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Nagtala ng 21 puntos si Jeanette Panaga na binubuo ng 9 na hits at tig-6 na blocks at aces upang pangunahan ang panalo ng Lady Blazers habang nag-ambag naman ang kakamping si Janine Navarro ng 1 puntos.

“Hindi ko in-expect na straight sets kasi alam ko lalaban ang Arellano. Alam ko ibibigay din nila ang best nila sa araw na ‘to,”pahayag ni Blazers coach Macky Carino.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Dahil sa panalo, magtutuos ang CSB Lady Blazers at ang San Sebastian Lady Stags sa ikatlong pagkakataon sa Finals matapos silang biguin ng huli sa unang dalawang pagkakataon noong Season 84 at 85.

Nakatakdang magsimula ang Finals sa darating na Martes.

Sinamantala ng Lady Blazers ang maraming errors na naitala ng Lady Chiefs sa laban kung saan nakaiskor sila ng 25 puntos.

Nanguna para sa Lady Chiefs sina Christine Joy Rosario at Jovielyn Prado na kapwa may 13 puntos.

Sa kalalakihan, itinakda naman ng University of Perpetual Help ang pagtutuos nila ng defending champion Emilio Aguinaldo College sa Finals matapos malusutan ang matinding hamon ng College of St. Benilde sa larong umabot ng limang sets, 33-31, 25-20, 22-25, 23-25, 15-9.

“It’s a good feeling to make it back to the finals,” pahayag ni Perpetual Help coach Sammy Acaylar.

Umiskor ng 21 puntos si Rey Taneo, Jr. upang pamunuan ang pagbabalik ng Altas sa Finals nang mabigong pumasok noong 2014 matapos maputol ang kanilang “4-year reign” noong 2010-2013.

Nag-ambag naman ang kapatid ni Taneo na si Relan at kakamping si Bojomar Castel ng tig-13 puntos para sa nasabing panalo ng Altas.

Nauwi naman sa wala ang game-high 28 puntos ni Johnvic de Guzman dahil nabigo siyang muling ihatid ang kanyang koponan sa Finals. (MARIVIC AWITAN)