Patay ang isang babae matapos na misteryosong mahulog mula sa hindi pa matukoy na gusali sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Dead on arrival sa Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) ang hindi pa kilalang biktima na inilarawang nasa edad 18-23, may taas na 5’ hanggang 5’2”, kayumanggi, nakasuot ng kulay brown na T-shirt na may nakaimprentang “Che Cuevas”, at maong na pantalon na may nakapatong na yellow-green jersey shorts, dahil sa pagkalasog ng katawan.

Batay sa inisyal na ulat ni SPO3 Milbert Balinggan ng Manila Police District-Homicide Section, nabatid na nangyari ang insidente dakong 10:35 ng gabi sa harap ng Lido de Pares Hotel sa Tambacan Street sa Sta. Cruz.

Bigla na lang umanong bumagsak ang babae mula sa isang gusali, ngunit hindi natukoy kung saan, dahil maraming gusali na magkakatabi at magkakatapat sa nasabing lugar.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Napansin lamang umano ni Aireen Untalan, security guard ng Lido De Paris Hotel na may malaking tubo na bumagsak at kasunod ang nasabing babae.

Naging mabilis man ang pagsaklolo ng mga taong nakasaksi at dinala ang biktima sa pagamutan subalit patay na ito.

Patuloy pang inaalam kung saang gusali nagmula ang babae at kung ito ay dayo lang sa lugar na umakyat sa mataas na gusali at tumalon, o aksidenteng nahulog. (Mary Ann Santiago)