Puntirya ngayong taon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mailipat sa mas ligtas na lugar ang aabot sa 26,000 informal settler families (ISF) sa Metro Manila.
Ito ang naging tugon ni DSWD Secretary Corazon Soliman sa napaulat na inihinto na ng kagawaran ang paglilikas sa mga ISF na “nalalagay sa panganib ang buhay kapag sumasapit ang tag-ulan.”
“Ongoing po. Hindi lang ngayon sisimulan. Tuluy-tuloy po iyan mula pa noong 2013,” paliwanag ng kalihim.
Sinabi ng kalihim na target ngayon ng ahensiya ang paglilikas sa kabuuang 26,367 ISF sa National Capital Region (NCR).
Tinukoy din ni Soliman na aabot na sa 20,000 ISF ang nailipat nila ng tirahan sa Bulacan at Rizal simula noong 2013.
Idinahilan pa ni Soliman na bago pumasok ang rainy season ay kailangang madagdagan pa ang mga pamilyang maililipat upang hindi umano malagay sa panganib ang mga ito.
Kabilang, aniya, sa mga ISF na ililipat nila ay nakatira sa tinatawag na mga high-risk area. (Rommel P. Tabbad)