Walang balak ang mga senador na humirit pa sa pag-veto ni Pangulong Aquino sa isang panukala na humihiling ng karagdagang P2,000 pensiyon sa mga retirado, dahil hihintayin na lang nila ang bagong administrasyon para isulong ang pagsasabatas nito.
Sinabi ni Sen. Cynthia Villar na lubos niyang ikinadismaya at ikinagulat ang pag-veto ng Pangulo sa panukala, isang araw bago ang itinakdang deadline upang isabatas ito kahapon.
Matagal nang inaantabayanan ng mga senior citizen na maaprubahan ang P2,000 across the board increase sa kanilang buwanang pensiyon sa Social Security System (SSS).
“I’ve been telling the senior citizens constantly asking for this bill, ‘malapit na, malapit na’. ‘Di ko naman akalain na ibi-veto niya,” pahayag ni Villar sa panayam sa telepono.
“But for now, I don’t see anything we can do to compromise. We need to pass it next month, considering we have only three weeks to hold sessions,” aniya.
Ayon sa senador, ang publiko na ang hahatol kung tama ba o hindi ang naging pag-veto ni PNoy sa naturang panukala.
Sinabi ni Senate President Franklin Drilon, kilalang kaalyado ni Aquino, na nirerespeto niya ang naging desisyon ng Punong Ehekutibo at umaasa na maghahanap pa ng ibang alternatibo ang Malacañang upang mapabuti ang kalagayan ng mga retirado. (HANNAH TORREGOZA)