Inutusan ng Supreme Court (SC) noong Huwebes ang mga partido sa petisyong inihain ni Senator Grace Poe-Llamanzares laban sa Commission on Elections (Comelec) na itigil na ang pagbibigay ng anumang komento sa media kaugnay ng isyu.
Ito ang ipinahayag ni Atty. George Garcia, abogado ni Poe, matapos isagawa ang preliminary conference sa disqualification case laban sa senadora nitong Huwebes.
Ayon kay Garcia, ginawa ng mga mahistrado ng SC ang kautusan dahil ang kaso ay “highly technical and highly legal” na hindi dapat mabahiran ng pulitika.
Sinabi ni Garcia na ang kautusan ng SC ay hindi maituturing na “gag order”, kundi isang pakiusap.
Tiniyak niya na ang kampo ng senadora ay hindi na maglalabas ng anumang opinyon sa media hanggang sa oral argument sa Martes, Enero 19, 2016.
Samantala, sinabi ni Garcia na napagkasunduan sa preliminary conference na ang oral argument ay sesentro sa lamang sa tatlong isyu, kabilang na ang hurisdiksyon ng Comelec sa kaso ng senadora, kanyang citizenship at kanyang residency.
Idinagdag niya na layunin nitong pabilisin ang resolusyon ng kaso, lalo na at kakaunti na lamang ang nalalabing oras.
Iniakyat ni Poe sa SC ang desisyon ng Comelec en banc na nagkakansela sa kanyang certificate of candidacy (CoC) sa pagkapangulo sa halalan sa Mayo 9, 2016. (PNA)