Naniniwala si Pangulong Aquino na makababawi pa si Liberal Party standard bearer Mar Roxas sa iba’t ibang survey sa mga presidentiable habang patuloy sa paglaki ang lamang ni Vice President Jejomar Binay sa kanyang mga katunggali sa eleksiyon sa Mayo 9.

“Wala pa tayo talaga sa kampanyahan,” pahayag ng Pangulo sa isang pulong balitaan sa Bulacan.

Aniya, posibleng hindi pa rin batid na survey respondents ang mga negatibong isyu na kinahaharap ng ibang kandidato nang tanungin ang mga ito kung sino ang napupusuan sa pagkapangulo sa 2016. 

“Pero pagdating sa eleksiyon, hindi pwedeng iwasan ‘yun, lalo na sa kampanya mismo. Kailangang haraping lahat ang mga issue,” dagdag ni Aquino.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Nagpakita rin ng “consistency” sa mga survey hindi lamang si Roxas ngunit maging ang katambal niyang si dating Camarines Sur Rep. Leni Robredo, ayon pa kay PNoy.

“We think that there is no way to go but up,” bitaw ni Aquino, kasalukuyang chairman ng Liberal Party.

Nang tanungin kung gagamitin ng Liberal Party ang mga isyu ng kurapsiyon laban sa katunggali ng mga kandidato ng partido, tiniyak ng Pangulo na “positibong pangangampanya” ang magiging taktika ng administration bets, partikular ang pagsusulong sa “Daang Matuwid” ng kasalukuyang pamahalaan. (Genalyn D. Kabiling)