PINASINAYAAN na para sa mga mamamayan ng Antipolo City ang pangalawang ospital na ipinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa pangunguna ni Antipolo City Mayor Jun Ynares na isang doktor. Ang pangalawang ospital na binuksan ay ang Antipolo City Hospital System Annex ll (ACHS-Annex ll), binubuo ng tatlong palapag, na matatagpuan sa Barangay Dalig. Ang floor area nito ay 2,500 square meter, may 70 bed capacity, X-ray, ultrasound laboratories, at pharmacy.

Ang ACHS-Annex llI ng Antipolo ay dating Regalado Hospital na ginawang garment factory sa nakalipas na taon. Ang ACHS-Annex ll ay binasbasan ni Monsignor Rigoberto de Guzman ng Antipolo Cathedral. Ang unang ospital na pinagawa ng Pamahalaang Lungsod ay ang Rizal Provincial Hospital System Antipolo Annex l na nasa Barangay Dela Paz. Kilala ito dati bilang Antipolo Distrct Hospital. Batay sa inilunsad na programang pangkalusugan ni Mayor Jun Ynares, ang pamahalaang lokal ay magtatayo ng apat na ospital bago matapos ang unang termino ni Mayor Ynares. Pangunahing layunin ng pagtatayo ng mga ospital sa lungsod ng Antipolo ay mabigyan ng magandang serbisyo sa kalusugan ang mga taga-Antipolo.

Sa mensahe ni Antipolo City Mayor Jun Ynares, sinabi niya na: “Sa laki po ng Antipolo City, hindi po lamang isa kundi apat na ospital ang kailangan natin upang lubusang matugunan ang mga medikal na pangangailangan ng ating mamamayan.

“Ang Antipolo City Hospital System Annex ll y ay may mga specialist sa OB-Gyne, General Surgery, Orthopedic Surgery, Pediatrics, Internal Medicine, EENT, Opthalmology, Anesthesiology ,Radiology, Pathology, Pulmonology at iba pa,” dagdag pa ni Mayor Ynares.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Umabot na sa 4,000 pasyente ang nagpasuri sa ACHS-Annex ll mula nang buksan ang emergency room at outpatient department, habang hinihintay ang license to operate (LTO) mula sa Department of Health (DoH) noong Agosto.

Ang pagbubukas ng pangalawang ospital ng Antipolo ay masasabing katibayan ng ipinangako ni Mayor Jun Ynares na ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo ay makapagpapatayo ng apat na ospital sa unang termino ng kanyang paglilingkod.

Sa darating na Marso, pasisinayaan naman ang pangatlong ospital ng Antipolo sa may Sitio Cabading para paglingkuran ang mga taga-Sitio ng Boso-Boso, Pinugay, Calawis , Apia, San Jose, San Ysiro, Sta. Ines at iba pang sitio sa bundok ng Antipolo. Ang ikaapat na ospital ng Antipolo ay itatayo naman sa Sumulong Highway. (CLEMEN BAUTISTA)