samuel morrison - do not delete copy copy

Naniniwala ang mga national taekwondo jins na sina Sam Morrison at Chris Uy na malaki ang tsansa nilang mag-qualify para sa darating na Rio de Janeiro Olympics sa Brazil ngayong taon dahil sa pagdadagdag ng kanilang timbang.

Sa naging panayam sa dalawa sa programang POC-PSC Radio Forum sa DZSR Sports Radio, sinabi ng dalawang jins na mas naging malakas sila at agad na nadagdagan ang kanilang timbang.

Si Morrison, silver medalist sa Asian Games, ay umakyat sa 80 kilograms division o welterweight class mula sa dati niyang timbang na 68 kilograms o featherweight.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

At dahil pasok na sa Olympics ang mga jins mula sa Korea, Iran at Uzbekistan sa bago niyang weight class, tanging ang karibal na Chinese na lamang ang nakikita niyang hadlang sa pag-asa niyang mag-qualify sa darating na Qualifying tournament sa Abril.

Umangat naman si Uy mula sa dating timbang na middleweight sa heavyweight kung saan isang Uzbekistan jin ang nakikita niyang hadlang sa kanyang pangarap na maging Olympian.

Ang dalawang nabanggit na mga jins ay kabilang sa mga paborito na mapasama sa target na 4-man ( 2 male/2-female ) Philippine team sa Asian Qualifiers dahil wala namang ibang mga contenders sa kanilang mga weight divisions.

Taliwas ito sa kababaihan kung saan 12 jins ang nag-aagawan para sa dalawang slot sa pangunguna nina Sea Games gold medalists Pauline Lopez at Elaine Alora.

Matapos mabigong magkaroon ng kahit isang qualifier sa nakaraang 2012 London Games, magtatangka ang taekwondo na muling makapagpadala ng qualifiers sa Brazil ngayong taon. (Marivic Awitan)