Kapwa nangako sina Mixed Martial Arts fighter Crisanto Pitpetunge at Jenel Lausa na iaangat pa nila ang pagkilala at paghanga sa mga Pilipino sa kanilang paghaharap para sa bakanteng titulo sa ika-51 edisyon ng Pacific E-xtreme Combat (PXC) bukas, Enero 16, sa Solaire Resort and Casino.

Tampok ang dalawang Pinoy sa nasabing laban kung saan nakataya ang championships belt sa flyweight division.

“Idol ko siya (Pitpetunge), pero ang sa akin,dahil Pinoy to Pinoy ito, parang kadugo pa rin natin, bilang fighter, iyung pinaglalabanan lang naman ay ang championships belt, goodluck na lang sa aming dalawa,” sabi ng challenger na si Jenel Lausa.

Asam naman ni Pitpetunge na kilala bilang “The Slugger” na masungkit ang ikalawang korona sa magkaibang dibisyon sa pagsagupa nito sa hamon ng tinaguriang “The Demolition Man” na si Lausa sa pagpapakilala sa mga kalahok kasama sina PXC CEO EJ Calvo at Vito Lazatin na VP Sports 5.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Matagal ko na siyang pinaghandaan kaya abangan na lang natin kung ano ang mangyayari sa Sabado,” ayon kay Pitpetunge.

Siyam din na dayuhan ang sasagupa sa event kung saan pinakatampok ang laban para sa titulo sa Bantamweight nina Kyle Aguon ng Guam at ang hindi pa natatalo sa pitong sunod na laban na si Kwan Hong Kwak ng South Korea.

Bitbit ni Kwak ang malinis na 7-0 panalong kartada, habang tangan ng kasalukuyang Bantamweight champion na si Aguon ang huli nitong dalawang matinding pagdedepensa sa belt.

“We’re really looking forward to thrill, entertainment and excitement with this first staging in Solaire and in elevating the sports of MMA in the country,” wika ni Lazatin.

“We are extremely humbled with this world class venue, to put premium MMA experience in the country,” sabi naman ni Calvo. “Seeing the success of a lot of fighters in the international and top level of the world. We are so excited in the forthcoming action this Saturday night.Anything can happen, get ready for fireworks.”

Ilan pa sa magsasagupa ay sina Jon Cris Corton ng Pilipinas kontra kay Farmon Gafarov ng Uzbekista sa Flyweight (125 lbs), Wesley Machado laban kay Sho Kogane ng Japan sa featherweight (145 lbs), at Nao Yoneda ng Japan kontra kay Han Seoul Kim ng Korea (welterweight (170 lbs), Rolando Dy laban kay Miguel Mosquera sa featherweight (145 lbs), Ernie Braca kontra kay Emilio Urruta mula Miami, Florida.

Magpapakitang gilas din ang kababaihan sa strawweight bout sa pagitan nina Gina Iniong ng Pilipinas at Vanessa Fernandez ng Spain.

Huling maglalaban ang hindi pa natatalo sa kanyang dalawang laban na si Stephen Loman kontra sa beterano na si Rex De Lara na sariwa pa sa pagtatala ng Fight of the Night na panalo sa ginanap na LABAN MMA sa Baguio.

Angie Oredo