Nagpatupad ng “Oplan Greyhound” ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine National Police (PNP), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga kulungan sa Metro Manila nitong Biyernes ng madaling araw.
Sa Quezon City Jail, nakumpiska ng mga awtoridad ang mga SIM card, pera, condom, flat screen TV, drug paraphernalia, sinturon na may buckle, palara, improvised na lagari, at iba pang matatalim na bagay.
Sa Manila City Jail, nasamsam ang mga pera, shabu, drug paraphernalia, cellphone, baril, bala, tubo, gunting, flat screen TV, at charger ng mga gadget.
Ang raid ay bunsod ng mga sumbong ng mga concerned citizen at sa napansing kalakaran sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Interior and Local Government Undersecretary Peter Corvera, nagmula kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Mel Senen Sarmiento ang direktiba sa Oplan Greyhound. (Jun Fabon)