Hinikayat ng Commission on Elections (Comelec) ang publiko na makibahagi sa “PiliPinas Debates 2016” ng poll body sa pagsusumite ng katanungan sa iba’t ibang isyu na tatalakayin ng mga kandidato sa pagkapresidente at pagka-bise presidente.

Inihayag ni Comelec Commissioner Andres Bautista na tumatanggap na ang ahensiya ng mga suhestiyon at rekomendasyon sa mga usapin na magandang talakayin ng mga kandidato sa naturang candidates’ forum, na itinakda sa mga susunod na buwan.

“Pipiliin namin ang mga katanungan na ibabato sa mga kandidato,” pahayag ni Bautista.

Sinabi ni James Jimenez, tagapagsalita ng Comelec, na maaaring magsumite ang sino mang indibiduwal ng kanilang katanungan sa pamamagitan ng kanilang social media account, gamit ang “#PiliPinasDebates 2016.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aniya, maaari ring magpadala ng tanong sa official website ng Comelec, ang http://www.electionsphl.com/pilipinasdebates.

Noong Miyerkules, inilatag ng Comelec ang ilang isyu na posibleng talakayin sa presidential debate.

Ang unang bugso ng debate ay gaganapin sa Pebrero 21 sa Mindanao at posibleng talakayin sa debate ang mga usapin sa agrikultura, pagsugpo sa kahirapan, charter change at problema sa krimen.

Samantala, posible ring pagdebatehan ng mga kandidato ang usapin sa disaster preparedness, climate change, health care, edukasyon at pagsugpo sa katiwalian sa gobyerno sa ikalawang yugto ng PiliPinas Debates na gagawin naman sa isang lugar sa Visayas sa Marso 20.

Ang huling serye ng debate ay gaganapin sa Abril 24 sa Luzon, na ang sentro ng talakayan ay ang problema sa trapiko, pampublikong transportasyon, reporma sa halalan at pulitika, foreign policy, tax reform at tanggulang pambansa.

(Samuel P. Medenilla)