Naging isang malaking inspirasyon para kay Vice President Jejomar C. Binay ang resulta ng huling survey ng Social Weather Station (SWS), na lumitaw na lumaki ang kanyang lamang sa ibang kandidato sa pagkapangulo sa eleksiyon sa Mayo 9.
Ngayong apat na buwan na lang ang natitira bago ang eleksiyon, lumitaw sa nationwide survey ng SWS na isinagawa noong Enero 8-10 na umabot sa 31 porsiyento ng 1,200 respondent ang nagsabing ang ikalawang pangulo ang kanilang pambato bilang susunod na leader ng bansa.
“It will encourage him to work harder in order to demonstrate his actions to uplift our people’s lives, fight poverty and provide employment,” pahayag ni Quicho.
Ito ay mas malaki ng limang porsiyento mula sa kanyang nakuha na 26 porsiyento noong Disyembre 2015.
“He (Binay) will continue to emphasize that our country needs an experienced and competent leader to work for inclusive growth that would ultimately benefit the poor who comprise majority of our country,” dagdag ni Quicho.
Base sa huling SWS survey, pumangalawa si Sen. Grace Poe na nakakuha ng 24 na porsiyento. Ito ay mas mababa ng dalawang puntos mula sa 26 na porsiyento na kanyang nakuha noong Disyembre.
Nasa pangatlong puwesto naman si dating Local Government Secretary at ngayo’y pambato ng Liberal Party na si Mar Roxas, na nakakuha ng 21 porsiyento, na isang puntos ang ibinaba noong Disyembre.
Habang si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ay nanatili sa ikaapat na posisyon na may 20 porsiyento.
Ang survey na isinagawa ng Pulse Asia noong Disyembre ay nagsabing si Binay pa rin ang pinakamalakas na kandidato sa pagkapangulo sa 2016 elections matapos siyang umani ng 33 porsiyento mula sa 1,800 respondent.
(ANNA LIZA VILLAS-ALAVAREN)