Bumalikwas ang Arellano University mula sa isang goal na pagkakaiwan upang magapi ang 10-man College of Saint Benilde squad sa extra time, 3-2, at makalapit tungo sa pinakaaasam na unang titulo sa NCAA seniors football sa Rizal Memorial Track and Football Stadium.

Muntik pang umabot ang laro sa penalties kung hindi naka-goal si Ronald Espinosa buhat sa pasa ni Robert Corsame na siyang nagbigay ng panalo sa Chiefs.

Dahil sa panalo, ang kanilang ikawalong sunod sa taong ito, kailangan na lamang ng Chiefs na talunin ang defending champion San Beda sa susunod nilang laro upang ganap na makamit ang pinakamimithing titulo.

Sa isa pang laban, napanatili naman ng San Beda Red Lions ang kanilang tsansang muling magkampeon makaraang talunin ang Lyceum of the Philippines University, 6-1.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagawang makatabla ng Chiefs, 2-all, sa kalagitnaan ng second half matapos ang isang goal mula kay Jumbel Gumabang.

Naunang nagtala ng 2-1 benhate sa pagtatapos ng first half ang Blazers sa pamamagitan ng goal ni John Michael Barot.

At mula rito, ilang beses na nasubukan ang tiyaga at pasensiya ng Chiefs sa pagkakalagay sa peligro ng kanilang “unbeaten slate”. (MARIVIC AWITAN)