Alden & Maine copy

SIMULA nang mabuo, anim na buwan na ngayong January 16 ang AlDub love team nina Alden Richards at Maine Mendoza aka Yaya Dub na nagsimula noong July 16, 2015, nang sa pamamagitan ng split screen ni Alden sa studio ng Eat Bulaga at ni Yaya Dub sa “Juan for All All for Juan” segment sa isang barangay ay una silang nagkita. 

Nabuo rin simula noon ang milyun-milyong fans na tinawag na AlDub Nation here and abroad sa pamamagitan lamang ng panonood ng binuong word ni Joey de Leon, na kalyeserye, ang nag-iisang serye sa kalye sa katanghalian.

Stress-reliever, nagpapasaya araw-araw, nakakagamot ng kanilang mga karamdaman, ang description ng mga sumusubaybay sa kalyeserye, nakaka-relate sila sa araw-araw na words of wisdom at pagbabalik ng dating kaugalian na wala na sa atin ngayon, sa pamamagitan ng script ng writers na binibigkas ni Lola Nidora (Wally Bayola) kina Alden at Yaya Dub, na sinusunod na rin ng mga tao. 

Human-Interest

Paano nga ba mag-goodbye ang ilang Gen Zs bago mag-New year?

Sino ba ang makakalimot sa espesyal na pagtatanghal ng Eat Bulaga na “Tamang Panahon” noong October 24, 2015, bilang pasasalamat ng longest-running noontime show sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan na napuno ng AlDub Nation ang mahigit na 55,000 seating capacity. 

Iyon ang unang pagkakataon na nagkita, nagkausap, nag-duet at sumayaw sina Alden at Yaya Dub. Kung dati ay ilang milyong tweets lamang ang nagagawa ng AlDub Nation here and abroad, nang araw na iyon, nagtala sila ng pinakamataas na tweets na 41 million, tinalo ang registered 36 million tweets at nag-trending nationwide and worldwide.

Pumasok din ang mga endorsements at kahit split-screen pa rin, tinanggap ng mga tao, ang pinakauna nilang McDo TV commercial na nagdagdag ng 474% increase sa sales ng food chain. 

May pangatlo na silang episode na nagsimulang mapanood noong Huwebes, sa 26th weeksary nila sa show. Every week kasi simula noong July 16, 2015. Linggu-linggo silang nagsi-celebrate ng weeksary, tuwing 16th day of the month, kaya 6th month na nga sila today. 

Tuluy-tuloy pa rin ang pagdating ng offers ng endorsements dahil lahat ng ini-endorse nila ay binibili sa market. 

Biro tuloy, baka sa mga susunod na araw, mga mukha na lamang nina Alden at Maine ang mapapanood nating nag-i-endorse ng mga produkto sa telebisyon.

Pero hindi kulay rosas lagi ang paligid sa AlDub, marami rin ang tila hindi matanggap na may blessings na dumarating sa kanila. Marami ang naninira, may nagsasabing flash in the pan lamang ang kanilang kasikatan, hanggang kalyeserye lamang sila. Hindi nila mapatutunayan na malakas talaga ang kanilang love team. 

Dumating ang Metro Manila Film Festival (MMFF) at isinama sila ng producers ng My Bebe Love with Vic Sotto and Ai Ai delas Alas. Nagtala ang movie ng P60.4 million, the highest opening day total income ng anumang pelikula, wala na ang amusement tax. Malungkot nga lamang dahil hanggang sa ngayon, hindi naglalabas ng official total income ng bawat pelikula ang MMFF executive committee. 

Pero masaya na ang AlDub Nation here and abroad dahil napanood na nila ang pinakahihintay nilang pelikula, sa kanilang puso, alam nilang sila ang nagwagi dahil todo ang suporta nila sa pinakamamahal nilang phenomenal love team. Hanggang ngayon ay tuluy-tuloy pa ang block screenings ng fans sa New Zealand, Australia, Middle East, Hong Kong, at iba’t ibang bansa ng USA at North America. At naghihintay pa rin ang AlDub Nation ng follow-up movie at ng serye na pagsasamahan nina Alden at Maine sa GMA-7. 

Ngayong Sabado, ano kaya ang sorpresang ibibigay nina Alden at Yaya Dub sa AlDub Nation dahil nagpaalam si Alden kay Lola Nidora kung puwede silang mag-date ni Yaya? (NORA CALDERON)