Isang miyembro ng Abu Sayyaf Group ang naaresto ng magkasanib na puwersa ng pulisya at militar sa isinagawang pagsalakay sa Zamboaga City, iniulat kahapon.
Ayon sa Police Regional Office (PRO)-9, sinalakay, sa bisa ng arrest warrant, ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Army ang bahay ni Munap J. Saimaran, miyembro ng Abu Sayyaf, sa Don Pablo Lorenzo Street sa Zamboanga City.
Sinabi ni Chief Insp. Rogelio Alabata, tagapagsalita ng PRO-9, na si Saimaran, na nakilala rin sa mga alyas na Mentang Abdulmunap at Said, ay nahaharap sa mga kaso ng kidnapping with serious illegal detention with ransom.
Ang arrest warrant laban sa suspek ay inilabas ng mga korte mula sa Sulu at sa Pasig City ilang taon na ang nakalipas.
Isinangkot si Saimaran sa pagdukot sa 21 katao, kabilang ang 10 European, sa isang resort sa Sipadan Island sa Sabah, Malaysian noong 2000.
Nasa kostudiya na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang suspek at inihahandang iharap sa Regional Trial Court-National Capital Region sa Pasig City bago ilipat ng bilangguan sa Bicutan sa Taguig City. (FER TABOY)