Nalasap ng reigning NBA champion Golden State Warriors ang kanilang ikatlong pagkatalo sa kamay ng host team Denver Nuggets, 112-110, nitong Miyerkules (Martes sa Pilipinas).
Nanguna si Danillo Gallinari para sa Nuggets matapos kumolekta ng 28 points, 17 dito ay galing sa free throw line, dagdag pa ang 5 rebounds at 2 assists.
Bagamat pumukol ng 38 puntos si Curry, 20 dito ay sa fourth quarter, hindi sapat ang ginawa ng Warriors dahil sa double-digit lead na itinatag ng Nuggets sa huling anim na minuto ng laban.
Isang dunk galing kay Brandon Rush ang nagbigay ng 68-64 kalamangan para sa Warriors sa ikatlong yugto subalit isang 19-5 na rally ang isinagot ng Nuggets para dalhin ang 83-73 abante papasok ng huling quarter.
Dominante ang Nuggets sa simula pa lang ng laban matapos magtayo ng 32-25 agwat sa dulo ng unang quarter ngunit agad ring nakabawi ang Warriors at ibinaba sa isa ang kalamangan sa pagtatapos ng first half.
Dahil sa panalo, gumanda ang baraha ng Nuggets sa hawak nitong 15-24 panalo-talo samantalang bumaba naman sa 36-3 rekord ang Warriors.
Samantala sa iba pang laro, nagposte ng 20 points si Brook Lopez habang tumulong si Thaddeus Young na may 19 points at 11 rebounds upang wakasan ng Brooklyn Nets ang kanilang sampung sunod na pagkatalo sa bahay at manaig kontra New York Knicks, 110-104.
Ang panalo rin ang una ng Nets sa ilalim ng bago nitong coach na si Tony Brown matapos pumalit sa sinibak na si coach Lionel Hollins.
Panalo rin ang Charlotte Hornets sa Atlanta Hawks, 107-84; Washington Wizardssa Milwaukee Bucks, 106-101; Boston Celtics sa Indiana Pacers, 103-94; Houston Rockets sa Minnesota Timberwolves, 107-104; Oklahoma City Thunder sa Dallas Mavericks, 108-89; Portland Trail Blazers sa Utah Jazz, 99-85; New Orleans Pelicans sa Sacramento Kings, 109-97; at Los Angeles Clippers sa Miami Heat, 104-90. (Martin A. Sadongdong)