NAKARATING na kay Direk Wenn Deramas ang patutsada ni Ai Ai delas Alas na, “Kahit ano pa ang sabihin nila, ilalaban ko ng patayan, itataga ko sa bato, kami po ang No. 1… In our hearts, sa puso ng Aldub Nation, sa puso ng sambayanang Pilipino, No. 1 kami, kasi lahat ng ginagawa namin walang daya. Ayaw ni Lord ang nangdadaya. Karma is a bitch.”
May kinalaman ang isyu sa palakihan ng kita sa takilya ng mga pelikulang kasali sa katatapos na Metro Manila Film Festival 2015.
Pero naglabas ng kumpirmasyon ang namamahala ng publicity and promotions ng Star Cinema na si Mico del Rosario na ang pelikulang The Beauty and The Bestie na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Coco Martin talaga ang number one.
Siyempre, hindi nagugustuhan ni Direk Wenn ang nangyayari. Hindi kaya silang dalawa naman ni Ai Ai ang magkasagutan kalaunan?
“Sana huwag naman. I mean, ayoko… naming umabot sa gano’n. Kasi alam naman natin sa showbiz, kapiranggot lang ang sasabihin mo, eh, puwedeng mapalaki. Pero at the end of the day, kami-kami lang din ang magkikita, maliit lang ang mundo na ito,” pahayag ni Direk Wenn nang makausap namin over the phone.
Naniniwala si Direk Wenn na malayong madamay ang friendship nila ni Ai Ai sa isyu. Iba pa rin daw ang pinagsamahan nila ng komedyana.
“Ang hindi ko lang alam ‘yung mga sentiments niya sa Kapamilya Network at sa Star Cinema. Pero kami naman, eh, imposibleng masira o madamay ang friendship namin,” sabi ng box office director.
Ilang pelikula nang pinagbidahan ni Ai Ai ang ginawa ni Direk Wenn na pawang kumita sa takilya lalung-lalo na ang Tanging Ina series. Pero ano ang komento ni Direk Wenn sa binanggit ni Ai Ai na tipong may padding na nangyayari?
“Hindi ko alam ang sinasabi niya. Basta sa pagkakaalam ko, eh, alam niyang kumita nang husto ang mga ginawa naming pelikula at paano mo papadingan ang talagang malaki na ang kinita? Alam niya na hindi na namin kailangang dayain ‘yun.
“Kumbaga, bakit pa, di ba? I mean, para saan bakit kailangang lagyan ng padding? Kung sasabihin naming kami ang number one, totoong kami ang number one, bakit kailangan pa naming mandaya? Para saan naman ‘yun?”
Wala naman daw silang dapat pagtalunan ni Ai Ai, walang magiging isyu sa kanilang dalawa. Pero aminado siya na matagal na silang hindi nakakapag-usap ni Ai Ai.
Pero hindi raw naiwasan na medyo nasaktan si Direk sa patutsada ni Ai Ai.
“Iniisip ko na lang na kumpetistyon lang ‘yun. Hindi dapat madamay ang pagiging magkaibigan. Sampung araw lang ang festival na ‘yun. Pero hindi mo naman maiaalis sa akin na medyo nasaktan ako dahil pelikula ko ang sinasabi niyang nandaya kami,” banggit pa rin niya.
Dagdag pa ni Direk Wenn, sa Star Cinema na pinagtatrabahuan niya for the longest time din nanggaling si Ai Ai.
(JIMI ESCALA)