Itinaas na ng pamahalaang lungsod ng Taguig sa P100 milyon ang scholarship fund nito na tinawag na “Lifeline Assistance for Neighbors In-need” (Lani) para sa mahigit 30,000 estudyanteng benepisyaryo ngayong 2016.

Sa ngayon, umabot na sa P600 milyon pondo ang inilaan sa nasabing programa na sinimulan noong 2011.

Tinapyas ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang P100 milyon pondo mula sa nakalipas na administrasyon para sa budget sa paghahakot ng basura sa siyudad, hanggang sa nadagdagan ito kada taon.

Sinabi ng alkalde na ang pondo ay makatutulong sa mga kuwalipikadong estudyante ng Taguig na kumukuha ng technical at vocational education, college, masteral at doctoral degree. Sagot din ng programa ang gastusin para sa examination review.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ipinagmalaki ng alkalde na umabot na sa 70 iskolar ang nagtapos ng summa at magna cum laude at 13 iba pa ang pumasok sa Top 10 board passer sa nursing, engineering, nutritionist-dietician at ibang licensure examination.

(Bella Gamotea)