MARAMING araw pa ang hinihintay bago simulan ang bagong imbestigasyon ng Senado sa trahedya sa Mamasapano, ngunit marami nang komento at batikos ang naglabasan tungkol sa pagsisimulang muli ng pagdinig at inaasahan o pinangangambahang magkakaroon ito ng epekto sa eleksiyon sa 2016.

Ang lahat ay “political gimmickry” lang, sabi ng isa sa mga opisyal ng Liberal Party (LP). Ikinumpara pa ito sa “flogging a dead horse.” Nag-akusa naman ang isa pang opisyal ng partido na ang muling pagbubukas ng imbestigasyon sa Mamasapano ay layuning hatakin pababa ang ratings ng pambato ng LP na si Mar Roxas.

Tama sila nang sabihing makaaapekto ang pagdinig sa halalan. Ngunit maraming nangyari sa nakalipas na mga buwan at ang mga mangyayari sa susunod na apat na buwan na makaaapekto sa eleksiyon. Sa ngayon, maraming usapin ang pinagdedebatehan ng mga opisyal at mga analyst—kabilang sa kanila ang patuloy na pagtitiwala ni Pangulong Aquino kay Transportation and Communication Secretary Joseph Emilio Abaya, ang pagdadalawang-isip niyang lagdaan ang karagdagang P2,000 para sa mga retirado sa SSS, ang pakikiramay ni Vice President Jejomar Binay sa pamilya ng pinugutang OFW na si Joselito Zapanta, ang pagtanggi ng Sandiganbayan na payagang magpiyansa si Sen. Jinggoy Estrada, at ang resulta ng Pulse Asia survey na nagsasabing 11.2 milyong pamilya ang naniniwalang mahirap sila.

Sa anumang paraan, ang bawat isa sa mga ulat na ito ay makaaapekto sa lagay ng kandidatura ng mga kandidato.

Maaaring makinabang sa pagdinig ng Senado ang kandidato sa pagkapangulo na si Sen. Grace Poe na namumuno sa Senate probe committee, kaya naman nanawagan ang kandidato sa pagka-bise presidente na si Sen. Alan Cayetano sa lahat ng senador na kakandidato sa Mayo na huwag nang makialam sa imbestigasyon.

Ngunit ang posibleng mga epekto ng pagdinig sa kandidatura ng ilan ay maaaring hindi kasing laki ng mismong magiging epekto nito sa buong gobyerno, sa pangangasiwa nito sa isang operasyon na pinagbuwisan ng maraming buhay, at ang mga epekto ng operasyong ito sa mahahalagang usaping gaya ng pambansang soberanya at pagkakaisa.

Ang bagong pagsisiyasat sa insidente ng Mamasapano ay magdadala sa atin sa pinaka-hindi inaasahang direksiyon.

Bagamat maraming opisyal ng LP ang kumukuwestiyon sa motibo sa likod nito, mismong si Pangulong Aquino ang nagkomento kamakailan: “I suppose in everything that is happening, we can see that politics plays a big role.”

Ngunit, sinabi niya rin na “the truth shall set us free.” Isa itong magandang punto para sa bawat isa sa atin.