Matapos ulanin ng batikos mula sa publiko ang viral video ng pagmumura ng isang taxi driver sa kanyang pasahero nang hindi magkasundo sa pasahe, isa na namang taxi driver ang nasa sentro ng kontrobersiya ngayon dahil sa umano’y tangkang pagtaga sa isang pasahero gamit ang katana o ang espadang gamit ng samurai.

Noong Enero 13, sumakay si Bayani Arradaza at ang kanyang 10-taong gulang na anak na lalaki sa Sangalang Taxi, na minamaneho ni Manuel Publico mula sa Teachers’ Village sa UP patungong Project 4, Quezon City.

Nagkainitan sina Arradaza at Publico sa pagpili ng direksiyon na dadaanan kaya pagsapit sa Columbia Street sa Cubao ay tumigil ang sasakyan at bumaba ang tatlo.

Nang magdilim ang paningin ni Publico, bumalik siya sa kanyang taxi at bumunot ng isang katana at iwinasiwas umano ito kay Arradaza.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Naging alisto naman si Arradaza at tinangay ang ID ni Publico bago ito humingi ng tulong sa pulisya.

Sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Ariel Inton na kinasuhan na si Publico ng attempted homicide bunsod ng insidente.

Aminado si Inton na nakaaalarma na ang sunud-sunod na insidente ng pagiging arogante ng mga pasaway na taxi driver.

“Alarming in the sense that illegal acts are no longer about over-charging or refusal to convey passengers, now we’re talking about more violent acts such as attempted homicide,” aniya. (Czarina Nicole O. Ong)