Walang nakikitang dahilan ang “Daang Matuwid” coalition vice presidentiable na si Rep. Leni Robredo upang buksang muli ang imbestigasyon ng Senado sa madugong insidente sa Mamasapano, na 44 na tauhan ng Special Action Force (SAF) ang namatay sa operasyon laban sa dalawang terorista.

“Ako kasi wala akong nakikitang dahilan para buksan ulit. Unang una, marami na tayong panahon na ginugol sa pag-iimbestiga, so ang tanong ko, ano ang dahilan para buksan ulit iyong imbestigasyon?” tanong ni Robredo.

Maliban kay Robredo, marami nang ibang nagpahayag ng kanilang duda tungkol sa tunay na motibo sa pagbubukas ng imbestigasyon, dahil ‘tila wala namang naging bunga ang mga nakaraang pagdinig na pinangunahan ng komite ni Sen. Grace Poe.

Inamin rin ni Robredo na may duda siyang nagagamit lamang ang isyu para maka-iskor ng “pogi points” ang mga kandidato para sa darating na eleksyon.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Iyong pangalawa, ang danger kasi niyan ay election period at baka magamit iyong investigation ng mga nagnanais na makakuha ng public attention. Siguro kung may magandang dahilan para buksan ulit bakit hindi?” pahayag nito sa isang kapihan.

Halos lahat ng senador, sa pangunguna ng diskwalipikadong kandidatong si Poe, ay tumatakbo para sa susunod na eleksiyon. Kabilang dito sina Chiz Escudero, Antonio Trillañes IV at Gringo Honasan.

Matatandaan na hiniling ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na muling buksan ang imbestigasyon sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015 na kinasangkutan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). (Beth Camia)