HAYAGANG tinuligsa ng China ang Korte Suprema ng Pilipinas nang katigan nito ang isang kasunduan ng depensang militar na nagpapahintulot sa puwersang Amerikano, gayundin ang mga barko at eroplanong pandigma nito na pansamantalang manatili sa mga lokal na kampo ng militar, at tinawag sa editorial ng Chinese state media nitong Miyerkules na “stupid” ang nasabing hakbangin kasabay ng pagbibigay ng babala sa maaaring maging kahinatnan nito.
Ayon sa matapang na editorial sa opisyal na Xinhua News Agency, ang tratado “[would] only escalate tensions and undermine peace and stability in the region.”
Ang Maynila “appears to be now turning to Uncle Sam to back its ambition to counter China”, saad sa artikulo, ginamit ang taguri ng Pilipinas sa Amerika noong Cold War.
Dahil sa desisyon ng kataas-taasang hukuman nitong Martes na nagdedeklara sa kasunduan bilang naaayon sa batas, palalakasin pa ang mga pagsisikap ng Amerika upang igiit ang presensiya nito sa Asia na alinsunod naman sa kagustuhan ng Pilipinas na saklolohan ito ng Amerika kaugnay ng ipinakikipaglabang teritoryo sa South China Sea laban sa China.
Malugod na tinanggap ng Washington ang desisyon ng korte, sinabing ang kasunduan sa depensa ay magpapaigting sa kakayahan ng dalawang bansa na makatugon sa mga kalamidad at upang mapalakas na rin ang sandatahan ng Pilipinas.
Pinuna naman ng Xinhua ang nasabing deklarasyon bilang isang pagtatangkang mabigyan ng katwiran ang isang maling hakbangin. “Manila has to bear the negative consequences of its stupid move in the future,” anang Xinhua.
Halos isang siglo na ang nakalipas simula nang matuldukan ang presensiya ng Amerika sa Pilipinas noong 1992 matapos na bumoto ang mga Senador laban sa pagre-renew ng pagpapahintulot sa mga base-militar ng Amerika sa bansa.
Agad na tumugon ang China nang paigtingin nito ang presensiya sa South China Sea, kabilang na sa mga lugar na
inaangkin din ng Pilipinas, Vietnam, Taiwan, Malaysia, at Brunei sa karagatang dinadaanan ng $5 trillion halaga ng kalakalan sa mundo kada taon.
Sa nakalipas na mga taon, nasaksihan ng mundo ang pagpapasaklolo ng Maynila sa Washington habang sinisikap na palakasin ang depensa ng militar nito, na isa sa pinakamahina sa Asia.
Lumubha ang tensiyon simula nang magtayo ang Beijing ng pitong artipisyal na isla sa South China Sea at nagtatayo na rin ng mga runway at mga pasilidad na ayon sa iba pang umaangkin sa mga isla ay maaaring magamit ng militar.
Sinabi naman ni Su Hao, isang international relations expert sa China Foreign Affairs University, na posibleng mapilitang magsagawa ng agresibong pagtugon ang Beijing sa higit na pagpapalakas ng puwersa nito sa rehiyon.
“It may lead to the direct military confrontation in the South China Sea between China and the United States, therefore having a negative impact on the current situation of the region,” babala ni Su. (Associated Press)