Kinuwestiyon ng Commission on Audit (CoA) ang hindi awtorisadong pamamahagi ng bonus sa mga opisyal at kawani ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa loob ng limang taon sa kabila ng alegasyon ng palpak na pamamahala sa LRT Lines 1 at 2 na nagresulta sa madalas na aberya nito.
Sa inilabas na special audit report ng CoA, binanggit nito na “inilagay ng LRTA sa balag na alanganin ang mga pasahero nito nang mabigo itong maisagawa ang regular na maintenance at repair operations ng LRT Lines 1 at 2 facility, lalo na sa light rail vehicles (LRVs) o mga bagon nito.
“The overall result of the audit illustrates that the interest of the government was not protected under the maintenance contracts,” pahayag ng CoA.
Binanggit ng CoA na sa kabila nito ay nabiyayaan pa rin ng mga insentibo at karagdagang allowance ang mga opisyal at kawani ng LRTA mula 2007 hanggang 2011, na aabot sa P100 milyon sa kabila ng kawalan ng permiso mula sa Office of the President.
“The unlawful compensation granted to the LRTA officials and employees included P370.874 million in collective negotiation agreement (CNA) incentives, P12.621 million in Gantimpala Agad Award, P10.632 million in corporate giveaways, P5.466 million for extraordinary and miscellaneous expenses, P565,000 per diems; and P290 million in transportation and miscellaneous expenses,” pagdidiin ng CoA.
Idinahilan ng CoA na ang CNA incentive at gantimpala cash award ay dapat na ibinibigay sa mga opisyal at tauhan ng LRTA sa ipinakita nilang “kahusayan at dedikasyon sa trabaho.”
“In view of the deficiencies noted, the Team recommended [the LRT management] to stop granting incentives and allowances without legal basis or at least approval by the President or DBM Secretary, [and to] require concerned LRTA officials and employees to refund unauthorized incentives and allowances,” sabi pa ng CoA. (Rommel P. Tabbad)