Inaasahang bibilis ang pagpoproseso ng tax payment sa Makati matapos itayo ang isang “one-stop shop” sa city hall para sa pagbabayad ng buwis, na karaniwang inaabot ng dalawang oras.

Sinabi ni Makati Mayor Romulo “Kid” Peña na matatagpuan ang one-stop-shop payment center sa ground floor ng Makati City Hall Building 2, na roon pinoproseso ang renewal ng mga business permit at pagbabayad ng buwis.

Sinabi ng alkalde na umani na ng mga positibong komento ang naturang hakbang mula sa mga taxpayer na naging inspirasyon ng pamahalaang lungsod para mas mapabuti ang serbisyo nito sa mga mamamayan.

Pinaalalahanan din ni Peña ang mga kliyente na i-renew ang kanilang business permit at bayaran ang kanilang buwis bago o sa itinakdang deadline sa Enero 20, upang maiwasan ang pagbabayad ng multa.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sinabi rin ng alkalde na bukas ang one-stop shop hindi lamang sa regular working hours kundi maging sa weekend, upang mapagsilbihan ang mga kliyente.

Tuwing weekday, mula Enero 11 hanggang 29, bukas ang one-stop shop mula 8:00 ng umaga hanggang 10:00 ng gabi.

Tuwing Sabado mula Enero 16 hanggang 23, bukas ito simula 8:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi; at tuwing Linggo mula Enero 17 hanggang 24, bukas ang quick payment center mula 8:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi.

Sa Enero 30-31, pagsisilbihan ng one-stop shop ang mga kliyente mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

(Anna Liza Villas-Alavaren)