Tinapos na ng House Committee on Metro Manila Development ang i

Imbestigasyon nito sa mga kontrobersiya na bumalot sa 2015 Metro Manila Film Festival (MMFF) subalit inungkat nito ang umano’y maling pamamahala sa milyong pisong pondo mula sa amusement tax na donasyon ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila.

Sa kanyang pagharap sa Kamara, nanawagan ang aktor na si John Lloyd Cruz sa pagpapatupad ng transparency at iba pang reporma para sa 41-anyos na film festival kasabay ng pagpapahayag ng pagkadismaya sa diskuwalipikasyon ng pelikulang “Honor Thy Father” sa best picture category ng MMFF Awards.

Iniulat ng MMFF Finance Committee na umabot sa P73 milyon ang kinita ng film festival mula 2012 hanggang 2015 at pinagdudahan ng mga kongresista kung saan na napunta ang naturang halaga.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Laguna Rep. Dan Fernandez, isang dating aktor, na noong 2014 lang ay tumabo ang MMFF ng P1 bilyon, na ang P50 milyon mula rito ang dapat na nakolekta.

Ang kinita mula sa pinakahuling MMFF ay inaasahang hihigit sa P1 bilyon kaya, aniya, nakalikom sana ng P50 milyon amusement tax o kabuuang P100 milyon pondo sa loob ng dalawang taon, paliwanag ni Fernandez.

Sinabi ni Director Gloria Calvario, ng Commission on Audit (CoA), ang kahalagahan na maisalang sa audit ang naturang pondo upang matiyak na tama ang koleksiyon ng amusement tax.

Iginiit naman ni Cruz, co-producer at bumida sa kontrobersiyal ng pelikula, na malaki na ang iniaangat ng kalidad ng mga pelikulang Pinoy dahil kabilang ang “Honor Thy Father” sa mga entry sa Berlinale Film Festival, na isa sa pinakaprestihiyosong international film exhibition sa mundo. (Ben Rosario)