BULUAN, Maguindanao—Nagpahayag ng pagtutol ang mga Muslim leader sa panukalang muling buksan ang imbestigasyon sa Mamasapano, isang kalunus-lunos na pangyayari noong Enero 25, 2015 sa Maguindanao, sinabing ang hakbang ay hindi lamang magpapakumplikado sa umiinit na kampanya sa halalan kundi magbabalik din ng trauma sa mga pamilya at magpapatindi sa emosyon ng mga nagsusulong sa naunsyaming peace process sa Mindanao.

“We, in Maguindanao, have suffered the brunt of all adverse offshoots of the Mamasapano incident. We have yet to reel off from the vestiges of the trauma…It is natural for us to oppose any move to reopen the investigation on the fateful incident,” sabi ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu sa mamamahayag noong Miyerkules.

Ang Mamasapano incident, na nagresulta sa kamatayan ng mahigit 60 katao—kabilang ang 44 na miyembro ng elite police na tumutugis sa mga terorista, limang residenteng sibilyan at 18 rebeldeng Moro, ay pumukaw sa emosyon ng publiko at nagtulak sa dalawang kapulungan ng Kongreso na isantabi ang itinakdang panahon para ipasa ang Bangsamoro Basic Law (BBL) at baguhin ang original draft nito na ikinadismaya ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng mga peace negotiator ng gobyerno, ayon kay Mangudadatu.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Isinusulong ni Senator Juan Ponce Enrile ang muling pagbubukas ng imbestigasyon at itinakda ni Senator Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Order, ang simula ng mga pagdinig sa Enero 27.

Ngunit matindi ang pagtutol nina Mangudadatu at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Mujiv Hataman sa hakbang sa paniniwalang hindi ito makabubuti sa publiko.

Ang emosyon ng publiko na bunga ng mga debate sa insidente ay madalas magkaroon ng masamang kahihinatnan at partikular na naaapektuhan ang mga komunidad ng Moro sa ARMM gaya ng mga lalawigan ng Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi at mga lungsod ng Lamitan at Marawi, ayon kina Mangudadatu at Hataman.

Naniniwala sila na itinulak ng politika ang hakbang lalo dahil nagsimula na ang kampanya para sa halalan sa Mayo.

(Ali G. Macabalang)