ANG pagsusumite ni Commission on Elections (Comelec) commissioner Rowena Guanzon ng kanyang personal na komento sa Supreme Court, bilang kapalit ng isang en banc opinion ng poll body, kaugnay sa disqualification case ni Sen. Grace Poe ay hindi nangangahulugan na isa na siyang banta sa demokrasya na pinangangambahan ng ilan.
Sumobra si Sen. Chiz Escudero nang akusahan niya si Guanzon na isang banta sa demokrasya. Ang kamalasan sa hakbang na ito ni Guanzon sa paghahamon sa mga kaukulang karapatan ni Comelec Chairman Andres Bautista na lantaran niyang tinapakan at kanya ring ipinahiwatig ang suporta kay Poe.
Gayunman, nilagdaan ni Chairman Bautista ang desisyon ng komisyon na kumukumpirma sa pagsusumite ni Guanzon sa Comlec, sa halip na pigilan ito matapos ang masusing deliberasyon ng poll body. Salamat sa diplomasya at kay Commissioner Arthur Lim. Lubhang mapapahiya si Guanzon kung babawiin ang kanyang isinumite.
Kailangang paalalahanan marahil si Guanzon, isang independent constitutional commission, na kinakailangang maging patas ang ating halalan. Ang mga commissioner nito ay hindi dapat pumapanig sa mga pulitiko, at bilang isang nagkakaisang lupon, ang mga kilos nito ay dapat nakabase sa napagkasunduan nilang desisyon na nakabatay sa batas at Konstitusyon.
Anumang magkakasalungat na opinyon ng mga eksperto at ‘partisan political players,’ nananatili ang katotohanan na ang kuwalipikasyon ni Sen. Poe ay nakabitin pa rin at kailangang resolbahin agad. May mga batas at panuntunan upang maresolba ang mga isyung ito. Pinakamainam para sa ating lahat na respetuhin ang mga panuntunan at pamamaraang iyon.
****
Sana ay gamitin ng Comelec ang mahahalagang tungkulin ng media, partikular na ang community press, upang maiparating sa publiko ang mahahalagang impormasyon at kaganapang kaugnay sa nalalapit na halalan. Kailangan pa rin ang sapat at wastong kaalaman ng mga botante tungkol sa eleksiyon. Maaari ring pakilusin ang youth sector upang lalong paigtingin ang partisipasyon ng publiko sa prosesong elektoral, lalo na sa kanilang sektor. (JOHNNY DAYANG)