Nagsampa ang Office of the Ombudsman ng kasong malversation laban kay dating Eastern Samar Congressman Teodulo Coquilla dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa anomalya sa kontrobersiyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Kinasuhan din ng Ombudsman ang ilang opisyal ng National Agri-Business Corporation (NABCOR), na kinabibilangan nina Alan Javellana, Encarnita Cristina Munsod, Ma. Julie Villaralvo-Johnson, at Romulo Relevo; at mga opisyal ng GABAYMASA na sina Margie Luz at Ma. Cristina Vizcarra.

Lumitaw sa imbestigasyon na nakatanggap si Coquilla ng P5 milyon mula sa kanyang PDAF noong Oktubre 2007 para sa pagbili ng instructional materials at mga punla.

Upang maipatupad ang proyekto, pinasok ni Coquilla ang isang memorandum of agreement na roon kinilala ang NABCOR bilang implementing agency at ang GABAYMASA bilang kaakibat na non-government organization (NGO).

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Kinailangan ng proyekto ang pagbili ng 32,887 punla ng calamundin, rambutan, chico at mangga, at 10,470 instructional material na gagamitin ng mga magsasaka ng Dolores, Maslog, Jipapad, Lawaan at Guiuan.

Lumitaw din sa mga dokumento na nilagdaan ni Coquilla ang Certificate of Acceptance at Acknowledgement Receipt para sa proyekto.

Nadiskubre rin ang maraming paglabag sa procurement law dahil ang mga supplier ay hindi rehistrado at walang tunay na address.

Sa pagmamanman ng OMB field investigation office, napag-alaman ng mga imbestigador na ang supplier ng mga punla ay isang garden shop na nagbebenta ng mga bato, buhangin, damo at nagseserbisyo sa landscaping. (Jun Ramirez)