Kinasuhan na ang driver ng isang pampasaherong jeepney na sinalpok ng tren ng Philippine National Railways (PNR) sa Paco, Manila, kamakalawa.
Kasong reckless imprudence resulting to homicide ang kinakaharap ni Marlon Verdida, 30, na nakapiit ngayon sa Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU).
Tiniyak naman ng pamilya ng biktimang si Bernardita Matias, 57, empleyado ng M. Hizon Elementary School sa Tayuman Street, Sta. Cruz, at residente ng Tejeron, Sta. Ana, na hindi nila iuurong ang kaso laban kay Verdida.
Mariin ding kinondena ng pamilya ng biktima ang pagnanakaw sa bag ni Matias matapos ang aksidente, na naging sanhi upang hindi agad makilala ng awtoridad ang biktima.
Matatandaang 7:00 ng gabi nitong Martes nang mangyari ang aksidente habang sakay si Matias at 15 iba pa sa jeepney na minamaneho ni Verdida.
Tinatahak ng jeepney ang Pedro Gil St. at papatawid na sa riles nang patunugin ang warning signal na palatandaang may dadaang tren.
Sa halip na huminto, binilisan pa umano ng driver ang pagpapatakbo sa jeep, nilagpasan ang ibinababang barrier sa riles, at tinangkang unahan ang tren.
Minalas namang inabot pa rin ng tren ang jeepney na nagresulta sa pagkamatay ni Matias at pagkasugat ng limang iba pang pasahero. (Mary Ann Santiago)