Malabo man na makuha niya ang buong atensyon ng ng training pool, hindi pa rin sumusuko si national team coach Tab Baldwin na mahahanapan niya ng solusyon ang sitwasyon sa attendance ng kanilang training sessions.
Sa ngayon ay nakabitin muna ang petsa ng unang practice session ng Gilas Pilipinas pool dahil nais munang magbigay daan ni Baldwin sa playoffs kung saan naglalaro ang karamihan sa pool members.
Simula Nobyembre ng nakaraang taon ay nagsimulang magkaroon ng Monday-only practice sessions ang training pool sa Meralco Gym.
Mataas man ang attendance ng lahat ng anim na sessions noong nakaraang taon, marami naman sa mga ito ang nagpakita lang sa venue ngunit karamihan ay hindi sumalang sa hardcourt activities sa kadahilanang may game commitments pa ang mga ito sa kani-kanilang PBA teams.
“That’s frustrating for everybody. So I think we’re really just kidding ourselves if we try to hold any practice sessions during the playoffs,” ani Baldwin “So we’re not going to do that. We’re just going to wait until we can get the hands on everybody and let’s see how we go.”
Tiniyak naman ni Baldwin na tanggap niya ang dahilan ng bawat players sabay sa pag-amin na mahihirapan siyang magkaroon ng tunay na practice sessions ang training pool dahil na rin sa PBA commitments ng mga ito.
“There are things that we could do with the players in terms of their understanding of the systems but we really can’t have any genuine basketball practice sessions where we go live against one another and we really learn and test what we know. That’s not just possible during the PBA season,” ayon pa kay Baldwin.
Magtatapos ang ginaganap na PBA Philippine Cup sa katapusan ng Enero habang ang susunod na Commissioner’s Cup ay magbubukas Pebrero 10.
Naghahanda naman ang training pool sa asam na makakuha ng slot sa pagsabak nito sa Olympic Qualifying Tournament (OQT) na gaganapin sa tatlong magkakahiwalay na venues.
Ngayong buwan malalaman ang tatlong hosts ng OQT tournaments na magsisimula sa Hulyo 5 hanggang 11.