Aabot sa 121 mag-aaral mula sa iba’t ibang baitang sa Pio Del Pilar Elementary School ang isinugod sa Ospital ng Makati (OsMak) at iba pang pagamutan sa hinalang food poisoning, kahapon ng umaga.
Dakong 11:00 ng umaga nang isugod sa emergency room ng OsMak ang mga mag-aaral ng Pio del Pilar Elementary School, na nasa Barangay Pio Del Pilar ng lungsod.
Dahil kulang ang espasyo sa emergency room ng ospital, inilipat ang ibang estudyante sa isang tent extension at doon sila ginamot ng mga doktor.
Kabilang sa idinaing ng mga batang biktima ang pananakit ng tiyan, pagkahilo at pagsusuka, na pawang sintomas ng posibleng pagkalason sa pagkain.
Sinabi ni Dr. Divina Bianca, ER doctor ng OsMak, na bumuti na ang kondisyon ng lahat ng biktima subalit patuloy ang monitoring sa mga ito upang maiwasan ang dehydration.
Hindi pa kinukumpirma ng pamunuan ng OsMak kung food poisoning nga ang sanhi ng sabay-sabay na pagkakasakit ng mga bata hanggang hindi pa lumalabas ang resulta ng isinagawang pagsusuri. (Bella Gamotea)