NAGPAPATULOY ang mga pagsisikap para maresolba ang problema sa trapiko sa Metro Manila, partikular sa Epifanio delos Santos Avenue.

Kapansin-pansin ang mga pagbabago simula nang magdesisyon ang Malacanang na aksiyunan ang problema noong Setyembre sa pagtatalaga kay Cabinet Secretary Rene Almendras upang pangunahan ang hakbangin sa pagtutok sa problema.

Nakatulong ang mas istriktong pagpapatupad ng Highway Patrol Group sa mga batas-trapiko at pag-aalis ng mga nakaparadang sasakyan sa mga kalsada para mapaluwag ang trapiko.

Sa mga sumunod na linggo at buwan, naglunsad pa ng mga karagdagang hakbangin, kabilang ang pamamasada ng mga Premium Point-to-Point (P2P) bus upang mahimok ang mga may-ari ng sasakyan na mag-commute na lang sa pamamagitan ng pagsakay sa mga nasabing bus. Noong nakaraang linggo, bumiyahe na ang una sa fleet ng mga double-deck bus. Pinagsikapan din ang pagpapabuti sa serbisyo ng Metro Rail Transit, ngunit patuloy pa rin ang pagtirik nito.

Marami pa ring lansangan ang hindi madaanan hanggang sa ngayon matapos hukayin, dahil hindi pa rin nakukumpleto ang pagsasaayos sa mga ito na sinimulan noon pang nakaraang taon. Ilang linggo bago ang Pasko, inatasan ng gobyerno ang mga contractor na ihinto ang mga pagawain para sa holidays, at nabalam ang pagkumpleto sa mga ginagawang kalsada at ang muling pagbubukas ng mga ito sa mga motorista.

Isang medium-range plan para magtayo ng mga bakal na tulay ang inihayag kamakailan, ang isa ay pinaplano sa Kalayaan Avenue sa Quezon City na tatagos sa dalawang abalang interseksiyon. Tatlong iba pa ang ipinanukala—sa Santolan, P. Tuazon, at Vito Cruz—na ang layunin ay mapaluwag ang mga choke point sa EDSA. Mas maikling panahon ang kakailanganin sa pagtatayo ng mga tulay na bakal kaysa malalaking kongkretong uri nito.

Ngunit hindi pa rin nasosolusyunan ang ugat ng problema. Masyado nang marami ang mga sasakyang gumagamit sa mga kalsada sa Metro Manila. Ayon sa isang pag-aaral, ang Greater Manila Area ngayon ay may 5,000 kilometro ng mga lansangan, gayung dapat ay 8,000 ito. Sa EDSA, nasa 6,800 sasakyan ang dumadaan sa iisang direksiyon kada oras, gayung dapat ay 6,000 sasakyan lamang. At sinabi ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines na 320,000 sasakyan ang naibenta noong 2015 habang 350,000 pa ang inaasahang mabibili ngayong 2016.

Kaya naman nananatili ang problema sa trapiko, at malaki ang posibilidad na lumala pa ito. Nakatulong ang ilang agaran at medium-term solutions pero wala ang isang pangmatagalang solusyon sa suliranin. Walang dudang kailangan natin ito, bilang bahagi ng pangkalahatang problema sa kaunlaran para sa ekonomiya at pulitika ng bansa.