Nakamit ng College of St. Benilde ang karapatang makasagupa ang defending champion Arellano University para sa huling finals berth matapos nitong gapiin ang University of Perpetual Help, 16-25, 25-19, 25-11, 25-21, noong Miyerkules ng hapon sa unang stepladder match sa women’s division ng NCAA Season 91 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Sorpresang nagtala ng kanyang personal best na 15 puntos si Ranya Musa kapantay ng output ng beteranang si Janine Navarro upang pangunahan ang Lady Blazers sa panalo.

Nag-ambag naman ng 11 puntos ang isa pang beteranang si Jeanette Panaga na nagbigay sa kanila ng pagkakataon na makaharap ang Arellano Lady Chiefs sa isa uling knockout match upang alamin kung sino ang hahamon sa outright finalist San Sebastian College.

Nauna nang umusad ang Lady Stags matapos nilang walisin ang siyam na laro sa elimination round na nagbigay sa kanila ng bentaheng thrice-to-beat sa sinumang makakaharap nila sa finals.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Naging mahigpit ang ipinakitang depensa sa net ng Lady Blazers kung saan nakapagtala sila ng 11 blocks kumpara sa 4 ng Lady Altas sa pamamagitan nina Panaga at Musa na nagtala ng 6 at 5 blocks ayon sa pagkakasunod.

Nakaungos din sila sa service, matapos makagawa ng 10 aces kumpara sa 5 ng Lady Altas.

Pinangunahan ang Lady Altas na pormal na nagtapos na pang-apat ngayong season ni Jamela Suyat na nagposte ng 15 puntos. (Marivic Awitan)