Sheryl-Cruz copy copy

ALAS kuwatro ng hapon nang dumating si Batangas Gov. Vilma Santos sa wake ni German Moreno noong Martes. Bukod kay Ate Vi, nag-alay din ng kani-kanilang panalangin sina Pops Fernandez, Karla Estrada, Vina Morales, Christopher de Leon, Regine Velasquez, Coney Reyes, Ken Chan at ang senior artists na sina Pepito Rodriguez, Caridad Sanchez, Daria Ramirez, Celia Rodriguez at Gloria Romero.

Naroon din sa lamay ni Kuya Germs ang maraming movie press, producers at mga dating miyembro ng That’s Entertainment. Maging si Sen. Bongbong Marcos ay dumalaw din kaya tulad sa mga nagdaang araw ay puno pa rin ang Mt. Carmel Church.

Naagaw ng aming pansin nang makita namin si Sheryl Cruz na ang agad nagrehistro sa aming isipan ay ang isyung naisulat ng ilang kasamahan sa hanapbuhay na umepal daw siya sa burol ng Master Showman.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Unang-una sa lahat may karapatan akong pumunta sa lamay kasi anak-anakan ako ni Kuya Germs at marami akong utang na loob sa kanya,” simulang sabi ni Sheryl. “Tumatanaw lang ako ng utang na loob sa taong naging bahagi ng aking career at sa personal kong buhay.

“Ngayon, sa mga taong nagsasabing umeepal ako, baka kailangang tingnan nila ang mga sarili nila sa salamin at tanungin nila kung umeepal ako o sila ang nag-eepal.

“Alam n’yo, sa totoo lang, gusto kong itanong sa mga taong nagsasabing umeepal ako dito sa burol ni Kuya Germs, ano ang basehan nila? Bakit nila nasabing epal ako? I worked for GMA-7. I have to come here. And aside from that, I’m part of Kuya Germs’s life and he treats me as one of his anak-anakan. Walang sinumang makakapag-utos sa akin at makakapagsabing huwag akong pumunta dito at makiramay dahil karapatan ko at karapatan din n’yo to show your feelings sa mga taong nakagawa sa iyo ng kabutihan sa ganitong sitwasyon.

“Ano ba ang sinasabi n’yong umeepal ako? Bakit, tumatakbo ba ako para sa isang puwesto sa isang posisyon? Hindi ako politician, isa akong artista at isang hamak na recording artist na anak-anakan ni Kuya Germs.”

Walang nakikitang masama si Sheryl sa pag-aalay niya ng huling respeto kay Kuya Germs. At hindi maituturing na epal kung kausapin man niya ang mga tao na gustong makipag-usap sa kanya.

Hindi rin kaepalan na iyakan niya ang pagpanaw ni Kuya Germs.

“Sa mga nagsasabing epal ako, kung alam nyo lang na halos linggu-linggo dinadalaw ko silang dalawa nina Joey Abacan sa GMA at hindi ko na kailangang i-explain pa kung gaano ko kamahal si Kuya Germs.

Aminado si Sheryl na nasaktan siya nang malaman niyang may naisulat na isa siyang epal sa burol ni Kuya Germs. Pero dedma na lang siya kung anuman ang isyung ikakabit sa kanya dahil ang mahalaga ay maipadama niya kay Kuya Germs kahit sa huling sandali kung gaano niya ito kamahal.

“From the bottom of my heart very thankful ako kay Kuya Germs dahil sa That’s Entertainment talaga nagsimula ang career ko sa showbiz. Diyan ako nakilala. At diyan din ako kahit paano nagkapangalan at minahal ng mga tao,” pagwawakas ni Sheryl Cruz. (MORLY ALINIO)