SERYOSO pala ang kaibigan kong palabiro pero sarkastiko nang ibalita niya sa akin ang tungkol sa pahayag umano noon ni Pangulong Aquino na magpapasagasa sila sa tren ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Sec. Abaya kapag hindi natapos ang LRT extention sa Cavite sa taong 2015. Tapos na ang 2015 at 2016 na, ngunit hindi pa rin nagpapasagasa ang dalawa dahil hindi naman natapos ang ipinangakong proyekto.

Sabad ni Tata Berto: “Hindi literal iyon. Sagasaan na lang natin si PNoy sa 2016 election sa hindi pagboto sa kanyang mga kandidato ng Daang Matuwid Coalition.” Oo nga naman, hindi raw literal ang ibig sabihin ng pagpapasagasa nina PNoy at Abaya. Siguro nais muna ni PNoy na manligaw at mag-asawa. Pero, magustuhan kaya siya ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach?

****

Sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa malagim na trahedya sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015, nais ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile (JPE) na imbitahan ng Senate Committee on public order si PNoy upang sumagot sa ilang katanungan tungkol sa insidente. Gusto ni JPE na magpaliwanag ang binatang Pangulo sa ginawa niyang aksiyon o inaction na maaari umanong naging dahilan ng trahedya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“Kung nais ni PNoy na sagutin ang mga tanong ko, I will welcome him,” ayon sa senador. “At kung nais niyang dumalo sa Senate hearing, he is welcome to do so,” dagdag pa. Batay sa mga report, paalis na ang mga Special Action Force (SAF) commando sa lugar matapos mapatay ang teroristang si Marwan, nakasagupa nila ang mga armadong tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). Matagal na naghintay ng reinforcement ang nagigipit na mga commando subalit walang dumating na tulong mula sa AFP na ang headquarters ay malapit lang sa pinangyarihan. Bakit?

Ayaw na rin sana ni Sen. Grace Poe, chairperson ng komite, na buksan pa ang imbestigasyon pero pumayag na rin siya sa pakiusap ni JPE dahil meron daw itong mga bagong impormasyon tungkol sa Oplan Exodus na ang ipinamahala ni PNoy sa kanyang kaibigan na si dating PNP Chief Director General Alan Purisima. Sabi nga ng kaibigang kong senior-jogger, dahil sa kagustuhan marahil nina PNoy at Purisima na maisalba ang negatibong imahe ng huli at makuha ang kredito sakaling magtagumpay ang operasyon, baka maibalik sa puwesto si Purisima.

Gayunman, kabaligtaran ang nangyari. Pumalpak ang operasyon, lalong nalubog sa kahihiyan si Purisima at nasangkot pa si PNoy sa pagkamatay ng 44 SAF commando. (BERT DE GUZMAN)