ZAMBOANGA CITY – Upang matiyak na laging may supply ng sardinas sa pamamagitan ng pagpaparami rito, istriktong ipatutupad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (BFAR-ARMM) ang pagbabawal na mangisda nito sa Sulu Sea at Basilan Strait sa loob ng tatlong buwan.

Ang closed fishing season ay tatagal hanggang Marso at layuning mapanatili ang populasyon ng sardinas, ayon kay Jerusalem Abdullahim, hepe ng Fisheries Regulatory and Law Enforcement Division ng BFAR-ARMM.

Alinsunod sa Section 2 ng RA 8550 (Philippine Fisheries Code of 1998), ang paghahango ng sardinas sa lugar, na sakop ang karagatan ng East Sulu Sea, Basilan Strait, at Sibuguey Bay, ay pansamantalang sinususpinde upang bigyang-daan ang pagpaparami nito.

Saklaw din ng fishing ban ang pagbebenta, pagbili, at pag-iingat ng mga sardinas na nahuhuli sa conservation area.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ito na ang ikaapat na sunod na taon na ipinatupad ng BFAR ang taunang fishing ban sa lugar, sa panahong nagpaparami ang mga sardinas, tuwing Disyembre hanggang Marso.

Alinsunod sa Section 86 ng RA 10654, ang mga lalabag ay kukumpiskahin ang mga huli at kagamitan, at pagmumultahin ng limang beses sa halaga ng huli, o kaya naman ay mula P50,000 (small-scale commercial fishing) hanggang P5 milyon (large-scale commercial fishing). (Nonoy E. Lacson)