Kinilala ng Korte Suprema ang kapangyarihan ni Pangulong Aquino na pumasok sa isang executive agreement na may kinalaman sa foreign military bases, alinsunod sa Article 18, Section 25 ng 1987 Constitution.

Ito ang dahilan sa pagbasura ng Kataas-taasang Hukuman sa mga petisyon na kumukuwestiyon sa PH-US Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.

Sa ilalim ng nasabing probisyon sa Saligang Batas, pinapayagan ang pangulo ng bansa na pumasok sa isang executive agreement na may kinalaman sa foreign military bases kung ang kasunduan ay pagpapatupad lamang ng umiiral na batas o tratado.

Ayon sa Korte Suprema, ang EDCA ay isang executive agreement para sa pagpapatupad ng mga tratado na nagpapahintulot sa pananatili ng mga dayuhang puwersa sa bansa.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Tinukoy ng korte ang mga tratado bilang Visiting Forces Agreement at Mutual Defense Treaty ng Amerika at Pilipinas.

At dahil ang EDCA ay isa umanong executive agreement, hindi na ito kailangan pang ratipikahan ng Senado.

Bunsod nito, idineklara ng Korte Suprema na ang EDCA ay constitutional, sa botong 10-4.

Si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang nagponente ng desisyon.

Ang apat na mahistradong bumoto laban sa constitutionality ng EDCA ay sina Justices Teresita Leonardo De Castro, Arturo Brion, Estela Perlas-Bernabe at Marvic Leonen.

Nag-inhibit sa botohan si Justice Francis Jardeleza dahil siya ay dating Solicitor General at dating humawak sa kaso ng EDCA. (Beth Camia)