Ilang overseas Filipino worker (OFW) na umaasang mai-refund ang kanilang P550 terminal fee bago ang kanilang flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Martes ang nagreklamo sa mahahabang pila sa mga refund counter ng paliparan.

Nilinaw ng Manila International Airport Authority (MIAA) na ang mga hindi nai-refund na terminal fee ay itatabi ng awtoridad.

“As per our memo on the IPSC (International Passenger Service Charge), OFWs may opt to have their terminal fee refunded anytime even after how many years,” sabi ni MIAA spokesperson David de Castro.

Idinagdag niya na walang expiration date para sa refund.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“They (OFWs) will simply have to present the needed documents as stipulated in our memo,” paliwanag ni De Castro.

Ang ilan sa kanila, nang makita ang mahahabang pila, ay dumiretso na lamang sa pre-departure area imbes na maghintay.

“We do notice the long queues, but this is not the normal situation,” ani De Castro, idinagdag na ang pangunahing sanhi ng mahahabang pila ay mismong mga OFW rin na grupo-grupo kung magtungo sa counter.

Sinabi ni De Castro na kalimitan, ang mga Filipino worker, ay na umaalis patungong Middle East ay naghihintayan bago magpa-refund ang isang buong grupo ng isang ahensiya.

Ang mga refund teller, aniya, ay karaniwang inaabot ng 30 segundo sa bawat pasahero upang mabigyan ng refund basta’t nakalatag na ang lahat ng mga dokumento.

Sinabi ni De Castro na may mga karatula sila malapit sa mga refund counter, na naglilista ng mga requirement na kailangang ipresinta ng mga pasahero.

Sinasabing maganda ang sistema dahil mayroon silang sapat na refund tellers. Pinayuhan din niya ang mga OFW na pumila kaagad para sa refund matapos mag-check in imbes na hintayin ang iba pang miyembro ng grupo ng kanilang ahensiya upang maiwasan ang mahahabang pila. (Ariel Fernandez)