Inaasahang dadagsa ang mga de-kalibre at world ranked na tennis players sa mundo para sa isasagawang $75,000 ATP Challenger dito sa bansa simula Enero 18 hanggang 24 sa bagong gawang Rizal Memorial Tennis Center.

Ito ang napag-alaman sa Philippine Tennis Association matapos ilabas ang listahan ng mga international netters na sasabak sa aksiyon na kabilang sa kalendaryo ng Association of Tennis Professional.

Isa sa mga lalahok ang dating World No. 8 na si Mikahil Youzhny ng Russia na hangad masungkit ang ikalawa nitong sunod na titulo sa Challenger ngayong taon matapos magwagi sa Bangkok, Thailand noong nakaraang Linggo.

Ang 33-anyos na si Youzhny ay kasalukuyang nasa No. 33 ranking matapos makatuntong sa semifinals ng US Open noong 2006 at 2010.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sasagupa rin ang mula US na si Frances Taifoe, na tinatagurian na susunod na superstar sa US tennis, matapos makasama sa isa sa mga wild card entries. Ang 17-anyos ay kasalukuyang ika-176 sa mundo at huling nagwagi noong nakaraang taon sa USA ITF Futures.

Ang mula India na si Somdev Devvarman na ranked 177th ay nakatakda rin dumating sa bansa matapos magwagi sa Challenger event sa Illinois. Nakatakda din dumating ang 28-anyos na Dutch na si Sijslong Igor na nagwagi sa ginanap na Challenger sa Brescia, Italy.

Ilan pa sa sasabak sa torneo si Radu Albot ng Moldova na 121st sa mundo at si Vanni Luca ng Italy na nasa 106th pati na rin si Lukas Lacko ng Slovakia na 110th sa buong mundo. .

Kabilang din sa listahan ng mga dadayo ang Japanese na si Tatsuma Ito (119th), Go Soeda (132nd) at Yuichi Sugita (126th) na nakasagupa ng mga Pilipinong players sa ginanap na Davis Cup ties.

Samantala, kasalukuyan pang pinagpipilian ng pamunuan ng Philippine Lawn Tennis Association (PHILTA) kung sino ang kakatawan sa bansa sa torneo mula kina Francis Casey Alcantara, Jeson Patrombon at Alberto Lim, Jr, na malalagay bilang wild card entry.

Nauna nang nakakuha sina Ruben Gonzales, Patrick John Tierro at Fil-American Mico Santiago ng wild card slots sa qualifying round na magsisimula sa Enero 15. (ANGIE OREDO)