LEGAZPI CITY - Napili ng Green Convergence Philippines (GCP) ang Albay bilang unang LGU Eco Champion nito, matapos kilalanin ng kalulunsad na parangal ang matagumpay at mabisang “environment policies and ecologically sound tourism program” ng lalawigan.
Ang GCP ay koalisyon ng mga organisasyon at mga indibiduwal na nagsisikap na lumikha ng huwarang balangkas para matugunan ang mga kailangan sa makabuluhang pag-unlad, habang napangangalagaan ang kalikasan.
Kinumpirma ni GCP President Angelina P. Galang ang parangal para sa Albay sa liham niya kamakailan kay Albay Gov. Joey Salceda, na roon ay binigyang-diin niya na ang may malasakit na pagtupad ng lalawigan sa mga batas pangkalikasan ay buod ng “good environmental governance and best practices” na maaari ring isagawa ng ibang lokal na pamahalaan.
Kilalang “green Economist”, ang gobernador ang utak sa likod ng matagumpay na Albay Green Economy, na nakabatay sa mga panuntunan ng disaster risk reduction (DRR) at climate change adaptation (CCA).
Napalawak niya ang bakawan ng probinsiya sa mahigit 2,400 ektarya mula sa 700 ektarya lamang, at ang forest cover ay nasa 88 porsiyento sa 44,000, mula 26,000 ektarya sa loob lang ng anim na taon.