Isang araw matapos masungkit ni Lionel Messi ang prestihiyosong Ballon d’Or, ang parangal na iginagawad ng Fédération Internationale de Football Association (FIFA) para sa pinakamagaling na manlalaro ng professional football, kumalat sa social media ang larawan ng estatwa ni Cristiano Ronaldo sa Portugal na may naka-vandal na pangalan at jersey number ni Messi.

Sa twitter account na @RMadridFact, makikita ang larawan ng estatwa ni Ronaldo, manlalaro ng Real Madrid, na may naka-vandal na ‘Messi’ sa likod at ang jersey number nitong ‘10’ gamit ang pulang pintura. Matatagpuan ang estatwa ni Ronaldo sa Funchal, Portugal – ang hometown ng Portuguese striker.

Lumabas ang larawan sa account ng @RMadridFact nitong Martes, Enero 12, isang araw matapos maigawad kay Messi ang Ballon d’Or sa Kongresshaus sa Zurich, Switzerland.

Ayon sa Portuguese at Spanish media, ginawa ang bandalismo sa estatwa ni Ronaldo noong Martes ng umaga.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Matatandaang sa pagkapanalo ni Messi ng Ballon d’Or, natapos naman ang dalawang sunod na pagkakataong si Ronaldo ang tumanggap ng parangal.

Samantala, hindi natuwa ang ilang fans dahil sa kumalat na larawan.

Saad ng isang @D10Sedition sa kanyang Twitter account: “kinda disrespectful, it’s in his home town I think.”

Sabi naman ni @SimplyMartial96: “@RMadridFact @socraticjuan disrespect mate” (Martin A. Sadongdong)