MAY himig ng pagmamalaki ang pahayag ng Malacañang sa muling pag-aangkat ng daan-daang toneladang bigas. Kahit na ano ang sabihin ng sinuman, ang ganitong pahayag ay isang malaking insulto sa isang pamayanan na itinuturing na agricultural country. Isipin na lamang na ang malaking bahagi ng ating bukirin ay dapat sanang panggalingan ng sapat na aning bigas.

Ang pag-angkat ng bigas ay paulit-ulit na ginagawa ng kasalukuyang administrasyon, katulad din ng nakaraang mga pangasiwaan. At iisa ang dahilan nito: Kakulungan ng rice supply. Ibig sabihin, hindi sapat ang palay na inaani ng mga magsasaka sa ating bansa. Nangangahulugan na pinababayaan ang mga magbubukid sa mga ayudang dapat ipagkaloob sa kanila upang magkaroon ng sapat na produksiyon.

Kabilang tayo sa walang patumanggang nanawagan sa gobyerno upang pag-ibayuhin ang impelementasyon ng mga programang pang-agrikultura sa buong kapuluan. Paulit-ulit nating hinihiling ang pagpapalawak ng mga irigasyon na magpapatubig sa ating mga palayan, lalo na ngayon na tumitindi na ang epekto ng El Niño.

Hindi dapat tipirin ang mga magsasaka sa mga tulong na nakaukol sa kanila. Kabilang dito ang mga de-kalidad na binhi na panlaban sa mga kalamidad, mga agricultural implements tulad ng panggiik ng palay, makinang pang-araro at iba pa.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Pinakamahalaga rito ang patuloy na supply ng abono. Dapat maging bahagi rito ang crop insurance subsidy na pang-antabay sa mga pinsala na maaaring idulot ng baha at bagyo.

Isang malaking kabalintunaan ang pag-angkat ng bigas ng gobyerno, lalo na kung ang mga ito ay nagmumula pa sa mga bansang agricultural katulad ng Vietnam, Thailand, Indonesia at iba pa. Isipin na lamang na ang naturang mga bansa ay natuto lamang sa atin ng mga epektibong pamamaraan sa pagsasaka. Marami sa kanilang mga agriculturist ang nag-aral sa ating bansa partikular na sa Central Luzon State University (CLSU) at University of the Philippines (Los Baños). Tapos ngayon, sa kanila tayo umaangkat ng bigas?

Ang ganitong aksiyon ay maituturing bang isang pamana ng administrasyon? Hindi ba ito isang malaking insulto sa isang agricultural country? (CELO LAGMAY)