Muling nagmatigas ang Sandiganbayan First Division laban sa pangalawang hirit ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na makasilip sa burol ni German “Kuya Germs” Moreno.

Base sa resolusyon na inilabas kahapon, muling ibinasura ng anti-graft court ang inihaing Urgent Motion for Reconsideration ni Revilla na humihiling na baliktarin ng korte ang unang resolusyon nito sa hindi pagpayag na makadalaw ang senador sa burol ni Kuya Germs.

“The Court is not inclined to reverse its earlier ruling, there being no other ground cited by the accused-movant in his present motion, aside from those already previously cited and considered by the Court. In view thereof, the Urgent Motion for Reconsideration is hereby DENIED,” nakasaad sa pinakahuling resolusyon na nilagdaan ni First Division Chairman Efren dela Cruz at nina Associate Justice Rodolfo Ponferrada at Rafael Lagos.

Nakasaad sa mosyon ni Revilla na labis nitong ikinalungkot ang pagpanaw ni Kuya Germs at nais nitong masilayan ang tinaguriang “Master Showman” sa huling pagkakataon at kahit sa sandaling oras lamang.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Nais sana ni Revilla na mabisita si Kuya Germs sa huling araw ng burol nito sa GMA Network studio sa Quezon City matapos itong ilipat mula sa Mt. Carmel Church sa New Manila, Quezon City.

“He lost a dear friend and mentor in German “Kuya Germs” Molina Moreno, to whom he has consistently relied upon for guidance and comfort, and who, in more ways than one, has unconditionally helped and cared for him and his family,” nakasaad sa mosyon ng senador.

Noong Martes, ibinasura ng First Division at Fifth Division ang hiling nina Revilla at Sen. Jose “Jinggoy” Estrada na makapunta sa libing ni Moreno. (Jeffrey G. Damicog)