Kumpiyansa si Filipino-American cyclist Sienna Fines na makakalikom siya ng tamang puntos para mag-qualify sa BMX competition sa gaganaping 2016 Rio Olympics sa Brazil.
Ayon sa ama at coach nito na si Frank, may nalilikom na silang sapat na puntos para mahabol pa ang itinakdang Olympic qualifying points.
Sa ngayon ay may naitala 175 puntos si Fines matapos itong magdagdag ng 60 puntos sa kanyang gold-winning performance sa nakaraang Asian Cycling championship sa Myanmar.
“Basically what we need to do, there’s going to be three World Cups leading into the World Championships and we’re just going to have to see what she gets from those races but those are the races that will accumulate the most points for her,” pahayag ni Fines.
Samantala, hindi naman ibinunyag ng nakatatandang Fines kung anong puwesto na sa rankings ang kaniyang anak pagdating sa UCI ratings.
Base sa qualifying systems, may isang automatic slot na ang Brazil, tig-dalawang slots naman ang makukuha ng top 3 nations sa Olympic qualification ranking at tig-iisang slots ang ipamamahagi sa fourth to seventh placers ng parehong rankings.
Tig-isang slot ang ibibigay sa top 3 BMX riders ng UCI rankings habang ang top two finishers ng darating na 2016 BMX World Championship sa Colombia ang kukuha ng dalawa pang slots.
Lumalabas na sa Colombia event na lamang ang tsansa ni Fines dahil malayo ang Pilipinas pagdating sa rankings ng mga member nations habang malayo din ito sa individual rankings ng UCI.
Sa kabila nito, nakatuon pa din ang pansin ng mag-amang Fines sa mga sasalihan nilang events sa mga susunod na buwan.
“She needs to get podium finishes in these races so realistically we’re looking at as many as we can get. I’m just trying to get her prepared one race at a time. I don’t want her to try to prepare for a race that hasn’t even existed yet,” ani Fines.
Ang 2016 BMX World Championship ay gaganapin Mayo 23-29 sa Medellin, Colombia. (Dennis Principe)