Apat na katao ang inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) matapos nitong salakayin ang drug den at video karera sa Laloma, Quezon City, iniulat kahapon ng pulisya.
Kinilala ni QCPD Director Chief Supt. Edgardo G. Tinio ang mga inarestong suspek na sina Richard Ignacio, 35, ng G. Roxas St., Barangay San Jose, Laloma, Quezon City; Charlie Garcia, 35, ng Del Monte St., Laloma; at sina Manolito Sanchez at Eric Ricerro.
Sina Ignacio at Garcia ay nahuli sa aktong bumabatak ng shabu sa nasabing lugar at nakumpiska rin ng mga operatiba ang anim na sachet na naglalaman ng droga na nagkakahalaga ng P25,000.
Napag–alaman na may video karera rin sa loob ng drug den kung saan naaktuhan ng pulisya na nagsusugal sina Sanchez at Ricerro.
Base sa report ni Chief Insp. Jeffrey Bilaro, tagapagsalita ng QCPD, isang impormante ang tumawag sa kanilang tanggapan sa Camp Karingal hinggil sa ilegal na operasyon sa lugar, dahilan upang planuhin ang pagsalakay.
Sina Ignacio, Garcia, Sanchez at Ricerro ay nakapiit ngayon sa District Anti-Illegal Drugs (DAID) at nahaharap sa kasong kriminal sa Quezon City Prosecutors’ Office. (Jun Fabon)