Nilagdaan kahapon ng Commission on Elections (Comelec) at iba’t ibang media organization ang isang memorandum of agreement (MOA) para sa isasagawang presidential at vice presidential debate para sa May 2016 polls.

Pinangunahan ni Comelec Chairman Andres Bautista ang seremonya na ginanap sa punong tanggapan ng Comelec sa Palacio del Gobernador sa Intramuros.

Dinaluhan ito ng mga kinatawan ng mga television networks, gayundin ng mga print media at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP).

Ayon kay Bautista, magkakaroon ng tatlong debate para sa mga kandidato sa pagkapangulo.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Ang unang debate ay isasagawa sa Mindanao sa Pebrero 21 kung saan ang magiging moderator ay ang GMA Network at Philippine Daily Inquirer.

Ang ikalawang debate naman ay idaraos sa Visayas sa Marso 20 at pangangasiwaan ng TV-5 at The Philippine Star, habang ang ikatlo at pinal na debate ay isasagawa sa Abril 24 sa Luzon at magsisilbing moderator ang ABS-CBN katuwang ang Manila Bulletin.

Magkakaroon naman ng vice presidential debate sa Metro Manila.

Ang tema ng debate ay Pilipinas 2016.

Kabilang sa isyung pagdedebatehan sa Mindanao ang agrikultura, poverty reduction, at charter change.

Sesentro naman sa disaster preparedness at climate change, kalusugan, edukasyon, at korupsyon sa gobyerno ang debate sa Visayas habang tatalakayin naman sa Luzon kung ano ang solusyon ng mga kandidato sa matinding traffic sa Maynila, electoral at political reforms, foreign policy, tax reform, at national defense.

Ayon sa Comelec, hindi ibabawas sa airtime ng mga kandidato ang kanilang paglahok sa debate. (Mary Ann Santiago)