FOLLOW-UP ito sa sinulat namin kahapon na si Angel Locsin pa rin ang gaganap bilang Darna sa pelikulang ididirek ni Erik Matti na nakatakdang ipalabas ngayong taon.
Inulan kasi kami ng katakut-takot na text messages at direct messages sa FB account namin kung totoong si Angel na talaga ang gaganap, dahil nagpahayag nga siya last year bago siya nagpagamot sa Singapore na hindi na niya magagampanan ang role dahil sa problema niya sa spine.
Tiyempo naman dahil nu’ng Martes sa auditions ng Pilipinas Got Talent Season 5 sa Kia Theater, Araneta Center, Cubao, Quezon City ay nakita si Angel ng fans na panay ang sigawan na siya pa rin gusto nilang gumanap sa Darna.
Sa Sunday pa makakaharap ng entertainment reporters si Angel -- para naman sa promo ng Everything About Her na pinagbibidahan nila ni Vilma Santos kasama si Xian Lim – pero may nakapag-interbyu sa aktres na lumabas sa ABS-CBN News.com at tinanong siya kung ano ang masasabi niya na siya pa rin ang gusto ng publiko na maging Darna sa pelikula.
“Nakakaiyak,” sagot ng dalaga, “siyempre ‘yung pinaghirapan ko rin naman iyon sa ginawa ko. Kaya nakakatuwa na tumatatak pa rin sa tao. ‘Di ko makakalimutan ang pagmamahal na ‘binibigay nila.”
At nang tanungin kung posible bang siya pa rin ang gumanap sa pelikula, “Hindi ko po alam. Ewan ko po,” sagot niya.
So, read between the lines na lang, Bossing DMB. Dahil madali namang sagutin ng hindi kung hindi na talaga siya.
Speaking of Pilipinas Got Talent, naulit ang scenario nitong nakaraang Martes ng gabi sa buong Araneta Center noong ganapin ang Metro Manila Film Festival Awards Night dahil napakaraming tao sa pagdagsa ang mga nag-audition para sa reality show ng ABS-CBN. Pero napakaayos ng daloy ng trapiko dahil mismong Araneta security personnel ang humawak kumpara sa mga taga-MMDA na nagkasala-salabat ang mga sasakyan kaya wala nang galawan at nagkatrapik na ang buong Cubao na lalong nagpalubha sa daloy ng mga sasakyan sa EDSA.
At kahit na ilang sasakyan ng generator ang nakaparada sa kalsada katabi ng Kia Theater at sa kabilang side naman ng KFC ay ang naggagandahan at naglalakihang sasakyan ng PGT hosts tulad ng Hummer, Super Grandia, at pick-up trucks na pagkalaki-laki pero hindi naging abala sa commuters.
(REGGEE BONOAN)